Panelo: Kayang manalo ni Duque bilang senador sa 2022
Nina Deighton Acuin at Gwyneth Morales
LARAWAN MULA SA: Philippine Daily Inquirer |
Para kay Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, kakayaning ipanalo ni Health Secretary Francisco Duque III ang karera sa pagkasenador kung sasali ang kalihim sa Halalan 2022.
Sa kamakailangang komentaryo, nagtitiwala si Panelo sa pagiging senador ni Duque, dahil mabibigyan siya ng oportunidad upang pagkainitan ang kanyang mga “detractors” sa Senado.
Paulit-ulit na inimbitahan si Duque sa mga imbestigasyon na isinagawa ng mga mambabatas, mula sa COVID-19 response ng gobyerno, sa mga alegasyon sa PhilHealth, at sa vaccination program.
“Kahit na kinakawawa ninyo si Secretary Francisco Duque, naku kayo talaga, Pag yan tumakbong senador panalo ‘yan,” ani Panelo.
“Kayo naman ang mapapasailalim sa grilling diyan sa Senado,” aniya pa.
Habang papalapit ang pambansang halalan, si Duque ang isa sa mga posibleng kandidato sa Senado a pipiliin ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayumpaman, tumangging sagutin ng Palasyo ang mga ulat kaugnay sa mga posibleng kandidato na pinili ng pangulo.
Dahil sa mga kontrobersya, paulit-ulit na nanawagan ang mga mambabatas na patalsikin si Duque sa kaniyang pwesto.
Subalit, tinanggi ni Duterte ang panawagan at patuloy na pinagtatanggol ang opisyal.
Paulit-ulit ding dinidistansya ni Duque ang kaniyang sarili sa mga alegasyon at nagpasalamat sa pangulo sa patuloy na pagtitwala sa kaniya.
KAUGNAY NA ULAT: Manila Bulletin