Duterte, 'pagod na'
Nina Archie Villaflores at Gwyneth Morales
LARAWAN MULA SA: Presidential Communications |
"Pagod na ako."
Ito muli ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte habang papalapit na ang pagwawakas ng kanyang termino bilang pagkapresidente sa 2022.
Matatandaang ilang beses na niyang inaming gusto na niyang magpahinga mula sa pamamalakad sa bansa at sinabing bababa na siya sa pwesto noong 2020––na hindi niya tinupad.
"I will step down by 2020, I will not wait for 2022," aniya noong 2018 matapos niyang ibunyag na wala na siyang ambisyon sa buhay dahil tumatanda na siya.
Sa kabilang banda, tinukso niya naman muli ang kanyang laging kasama na si Senador Bong Go na humalili sa kanya bilang pangulo sa darating na eleksyon.
"Ayaw mo Bong? Eh di mamili tayo kasi ayaw ko rin. Ayaw ko," aniya sa isang pagpupulong ng National Task Force and the Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa Tacloban City noong Marso 18.
Sinabi naman ni Go na tatakbo lamang siya bilang presidente kung kasama niya si Duterte bilang kanyang bise presidente.
Nang pinag-usapan naman ang mga proyekto ukol sa pagtulong sa mga dating nagrebelde sa gobyerno, sinabi ni Duterte na hindi siya sigurado kung maaabutan niya pa ang implementasiyon ng mga ito dahil sa kanyang edad na 75.
"Ewan ko kung makakaya ko pa maabutan. ‘Pag wala, kayo na ang magpasensya kasi ang panahon ko paliit nang paliit na," aniya.
ITO AY ISANG EKSKLUSIBONG ULAT.