Ni Kaela Patricia Gabriel

LARAWAN MULA SA: ABS-CBN News

Sa kabila ng ruling ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na pag-aari ng Pilipinas ang Julian Felipe Reef, nanindigan ang Chinese Embassy sa Manila na bahagi ng kanilang bansa ang nasabing lugar ayon sa kanilang mapang nine dash line.

Kasunod ng pagpapaalis ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ng mga Chinese fishing vessels sa Julian Felipe Reef, muling humirit ang China sa bansa na iwasan ang "unprofessional remarks" upang hindi na ito magdulot ng irasyonal na emosyon. 

"China is committed to safeguarding peace and stability in the waters and we hope that authorities concerned would make constructive efforts and avoid any unprofessional remarks which may further fan irrational emotions," giit ng embahada ng China sa isang pahayag.

May layong 175 nautical miles ang Julian Felipe Reef mula sa Bataraza, Palawan kaya pasok ito sa 200-mile Exclusive Economic Zone ng bansa o EEZ na nagbibigay ng karapatan sa Pilipinas na gamitin o i-preserve ang mga yamang narito tulad ng mga isda, langis, at natural gas.

Matatandaang nitong nakaraang linggo sa isinagawang aerial patrol ng Armed Forces of the Philippines aircraft,  namataan ang halos 200 Chinese vessels na pinaniniwalaang militia ng Tsina sa pinagtatalunang teritoryo. 

Depensa naman ng China, matagal nang nangingisda sa Julian Felipe Reef ang mga Tsino sa nasabing lugar bilang pangkabuhayan at ginagawa ring pahingahan kung hindi maganda ang lagay ng panahon at katubigan. 

"The Chinese fishermen have been fishing in the waters for their livelihood every year. It is completely normal for Chinese fishing vessels to fish in the waters and take shelter near the reef during rough sea conditions. Nobody has the right to make wanton remarks on such activities," ani China. 

Batay sa huling ulat nitong Sabado, nasa 44 pa mula sa 183 ang natitirang Chinese vessels sa Julian Felipe Reef na pinaaalis na rin ni Lorenzana.


KAUGNAY NA ULAT: GMA News