Ni Gwyneth Morales

LARAWAN MULA SA: ABS-CBN News

Sinang-ayunan ni Senador Nancy Binay nitong Biyernes ang kritisismo ng oposisyon na nagsilutangan ang community pantries sa bansa dahil umano sa palpak na pagresponde ng pamahalaan sa COVID-19.

“Yes, it [the government response] is a failure… And I think the government needs to admit na hindi nila kayang bigyan ng solusyon ang problema,” ani Binay sa isang panayam kasama ang ABS-CBN News Channel (ANC).

Para sa kaniya, matutuldukan lamang ang krisis kung makikipagtulungan ang pamahalaan sa pribadong sektor, na hindi umano nangyari noong nakaraang taon.

“Kita naman natin doon sa pagbili ng bakuna. Noong umpisa, ayaw payagan ng gobyerno na bumili ng private sector ng vaccine… Parang laging may... competition o power struggle… ang government at private sector. We can only solve this if we work together,” diin niya.

Nang tanungin kung dapat bang patalsikin na sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte, hinayag naman ni Binay na magdudulot lamang ito ng mas malaking dibisyon sa bansa.

“Hindi natin kailangan ‘yong ganoong paghiwa-hiwalay. What we need right now is for all of us to work together,” dagdag pa niya.

Nagsimula ang pag-usbong ng community pantries noong Abril 14 sa Maginhawa Street, Diliman, Quezon City. Matapos ang ilang araw, bumuwelta ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at sinabing mga komunista ang nagpapatakbo nito.

Umani naman ng mga batikos ang NTF-ELCAC mula sa netizens, senador, at ilan pang mga opisyales.


KAUGNAY NA ULAT: ABS-CBN

PAALALA