Nina Deighton Acuin at Gwyneth Morales

LARAWAN MULA SA: Presidential Communications

Muling naglabas ng patutsada si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kaniyang mga kritiko matapos ang higit sa dalawang linggong pagkawala sa publiko.

"Noong nawala ako ng ilang araw, talagang sinadya ko 'yun. Ganoon ako eh, kapag kinakalkal mo ako, lalo akong, parang bata? Kapag lalo mo akong kinakantyawan, eh mas lalo akong gumagana," ani Duterte sa isang press briefing nitong Martes.

Ipinagtanggol din niya ang kaniyang sarili, at sinabing walang mali sa kaniyang mga ginawa sa mga nakalipas na araw kahit humaharap sa pandemyang COVID-19 ang bansa.

"Pero kung sabihin mo na may sakit ako ngayon to prevent me from exercising the powers of the presidency, wala ho. Kaya ako nakaka-swing ng golf (club), tapos nagmo-motor, kasi kaya ko pa. The problem is you should look into the time I enjoy my hobbies. Gabi 'yun, ano ba naman. Sa araw makita mo ako nag-golf...sabihin may problema," aniya.

"If you want me to die early, you must pray harder. Actually, what you intend or what you would like to happen is to see me go. You want me to go and you're praying for that," aniya pa.

Gayumpaman, sa kaniyang press briefing nitong Lunes, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi kinakailangang ilabas ang medical bulletin ng pangulo dahil wala naman daw itong tinatagong karamdaman.

Nag-ugat ang pagiging absent ng pangulo matapos tamaan ng COVID-19 ang mga miyembro ng kaniyang Presidential Security Group (PSG). Pero ayon kay PSG Commander Brigadier General Jesus Durante III, wala naman sa mga nagpositibo ang mga malalapit kay Duterte.


KAUGNAY NA ULAT: ABS-CBN News