COLUMN | KomuNEEDad
Sa pagguhit ni Yanmar Barrera
Ilang araw lamang pagkausbong ng community pantries––isang inisyatibong nagbibigay ng oportunidad sa mga tao na magbigay o kumuha ng donasyong pagkain––sa bansa, biglang sumingit ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at iginiit na ginagamit lamang ito ng mga komunista upang kumuha ng mga bagong miyembro. Subalit, hindi dapat ipatigil ang itinayong pantries dahil manipestasyon lamang ng paratang ng NTF-ELCAC na tiyak na nasaasapawan ng kasalu-saludong bayanihan ng masang Pilipino ang kapalpakan ng gobyerno sa gitna ng pamatay na pandemya.
Kung babalikan, inihalintulad ni NTF-ELCAC Spokesperson Lieutenant General Antonio Parlade ang “kakuwestiyon-kuwestiyong” mabilisang pagkalat ng community pantries sa isang kuwentong galing sa Bibliya. Aniya, katulad lamang ni Satanas si Ana Patricia Non, ang nasa likod ng nasabing programa, dahil ugat umano sila ng kapahamakan. Sa halip na patunayan niyang mga komunista ang nagpapatakbo ng community pantries, tila naging isip-bata si Parlade at gumamit ng baluktot na lohika para lamang mantsahin ang kabutihang loob ng mga Pinoy bunga ng kanilang pagbabayanihan.
Isa sa mga rason kung bakit itinayo ni Patricia Non ang Maginhawa community pantry ay ang palpak na pagresponde ng pamahalaan sa COVID-19. Kung naisip ng NTF-ELCAC na komunista agad siya dahil sa kaniyang protesta, para na ring sinabing nagrerebelde ang isang anak dahil lamang nagdedemanda ito ng mabuting pagtrato sa kaniyang magulang. Ayon sa Artikulo III, Seksiyon 4 ng 1987 Konstitusyon, may kalayaan ang lahat na ihayag ang kanilang saloobin tungkol sa gobyerno. Hindi terorista si Non; isa lamang siya sa milyon-milyong demokratikong Pilipino na piniling ipakita ang pagkukulang ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbubuklod, pagkakaisa, at pagtutulungan.
Kitang-kita kung gaano na kadesperado ang anti-insurgency task force nang magsagawa sila ng profiling upang makuha ang personal na impormasyon ng mga namamalakad ng sikat na community pantries––alang-alang sa pag-alam kung mayroong mga komunista roon o wala. Subalit, ang pagtamo ng pagkakakilanlan ng organizers nang walang ligal na basehan at permiso ay paglabag sa Data Privacy Act, Civil Code, at 1987 Konstitusyon.
Kahit ang Malacañang, mga lokal na pamahalaan, ilang mga senador, at ang mismong namumuno sa NTF-ELCAC ay mariing kinondena ang mga patutsada ni Parlade. Ayon kay National Security Adviser Hermogenes Esperon, suportado ang anti-insurgency task force sa community pantries. Dagdag pa rito, pinatawan din ng ‘gag order’ sina Parlade at Presidential Communications Undersecretary Lorraine Badoy dahil sa kanilang mga binitawang akusasyon. Sinasalamin nito na maling-mali ang pagmamantsa sa busilak na bayanihan ng mga Pilipino.
Walang ibang layon ang community pantries kundi mag-abot ng tulong sa mga Pilipinong naghihikahos. Hindi na kataka-taka ang malubhang pagkatakot ng NTF-ELCAC sa simpleng bayanihan ng mga Pilipino. Tiyak na wala nang mas nakababahala pa sa pagbubuklod ng sambayanang Pilipino sa mata ng mga mapang-api dahil sa kapangyarihan nito. Pinatunayan na ito ng madugong pakikibaka laban sa mga Espanyol noong ika-19 na siglo, mapayapang rebolusyong EDSA noong 1986, at mariing panawagang patalsikin si dating Pangulong Joseph Estrada noong 2001. Kung nagdulot ang pandemya ng pagkabagsak ng ekonomiya ng bansa, naging sanhi naman ang community pantries para sa pag-angat ng bawat Pilipino. Tiyak ngang mas matatag at malakas ang milyon-milyong mamamayang Pilipino kapag nagkaisa at tumindig laban sa mapang-abusong gobyerno.
Makasaysayan ang paglitaw ng bayanihan ng mga Pilipino sa kalagitnaan ng pandemya. Subalit, hindi ito sasapat upang maligtas ang lahat sa delikadong virus. Marahil kaya nitong tugunan ang kalam ng tiyan ng mga mahihirap, subalit hindi nito tuluyang matutuldukan ang pandemya. Dahil dito, marapat na kumilos din ang pamahalaan sa pamamagitan ng malawakang COVID-19 testing at tracing, pagtaas ng sweldo sa healthcare workers, paglaan ng mas malaking pondo sa pananaliksik at teknolohiya, at pagsulong ng mas mabilis at maingat na vaccination program. Marapat ding ibasura na ang NTF-ELCAC dahil wala silang ibang inambag kundi magparatang at mang-abuso ng karapatan ng mga Pilipino. Sa panahon ng pandemya, kinakailangan ng bawat komunidad ng isang gobyerno na responsable, tapat, at kayang tugunan ang kanilang pangangailangan.