Villar: Babaan ang initial deposit sa bangko
Ni Annie Jane Jaminal
LARAWAN MULA SA: ABS-CBN News |
Nanawagan ni Senadora Cynthia Villar sa Land Bank of the Philippines na babaan ang inisyal na minimum deposit para sa mas abot-kayang pagbubukas ng bank account ng mga Pilipino.
Ayon pa kay Villar, nais niyang maging P50 na lamang ang pinakamababang singil sa inisyal na minimum deposit na mula sa dating P500.
“Bakit P500? Mahal ang P500, walang P500 ang mahihirap,” wika ng senadora sa isang pagdinig sa senado.
Ani Villar, namamahalan umano ang ilan sa P500 na inisyal na minimum deposit kung kaya't ayaw nilang magbukas ng account sa bangko.
“Government lang kayo e, dapat magse-serve kayo sa mga tao, hindi kayo parang commercial bank,” aniya pa.
Paliwanag pa niya, sa pamamagitan umano ng bank account para sa mga mahihirap ay madali nang maipapadala ng pamahalaan ang ayuda para sa mga tao.
“Dapat pagaanin nila ang pagbubukas ng account ng mahihirap. Diba namimigay ang gobyerno ng financial assistance during calamity? Idaan na lang sa bangko kaysa magco-complaint ka pa na hindi nakarating sa beneficiaries,” pahayag ni Villar.
KAUGNAY NA ULAT: Abante