Pag-aresto sa mga ayaw magpabakuna, legal — Panelo
Ni Gwyneth Morales
LARAWAN MULA SA: PCOO |
Iginiit ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na pinapayagan umano ng 1987 Konstitusyon ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na hulihin ang mga taong ayaw magpabakuna laban sa COVID-19.
"Drastic times demand for drastic measures. The Constitution has given sufficient authority to the government to manage the crisis as it work vigorously towards achieving herd immunity," ani Panelo sa isang pahayag nitong Miyerkoles.
Binanggit niya ang Artikulo 2, Seksiyon 4, 5 at 15 ng Konstitusyon na nagsasabing tungkulin ng gobyerno ang paglingkuran at protektahan ang bayan; mahalaga sa demokrasya ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pagprotekta sa buhay, at pagtataguyod ng kabutihang panlahat; at protektahan ang karapatan ng mga tao sa kalusugan.
Dahil dito, sinasabi ni Panelo na hindi na raw umano kailangan pang maglabas ng panibagong batas para maisakatuparan ang pag-uutos ng pangulo, kontra sa pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, at ng Department of Justice (DOJ).
"Unless the provisions clearly express the contrary, the provisions of the Constitution should be considered self-executory. There is no need for legislation to implement these self-executing provisions," aniya.
“The order of the President is not without any constitutional basis. Constitutional provisions on public health, by themselves, are operative and need no subsequent legislation for their enforcement,” aniya pa.
Noong Lunes, sinabi ni Duterte na ipapakulong niya ang mga taong tumanggi sa pagpapabakuna upang hindi umano lumala ang pagkalat ng bayrus.
Subalit, ipinaliwanag ni Roque nitong Martes na kailangan pa ring magpasa ng batas ang Kongreso upang maging iligal ang hindi pagpapabakuna.
Samantala, sinabi naman ni DOJ Secretary Menardo Guevarra na walang legal na basehan ang kautusan ng pangulo.
Mga sanggunian ng ulat: Philippine Star, GMA News