Ni Patricia Nicole Culob

LARAWAN MULA SA: Defend Democracy Press

Nagdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpatuloy ang Visiting Forces Agreement (VFA) kasama ang Estados Unidos bilang paninindigan sa personal na interes ng Pilipinas.

Sa isang pahayag, iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nabuo ang desisyon base sa "Philippine strategic core interests" at malinaw na depinisyon ng alyansang PH-US kung saan "sovereign equals" ang tingin ng dalawang bansa sa isa't isa.

"[His] decision to recall the abrogation of VFA is based on upholding PH strategic core interests... and clarity of United States (US) position on its obligations and commitments under MDT (Mutual Defense Treaty)," saad ni Roque.

Binawi ni Duterte ang terminasyon ng VFA matapos ang pagpupulong kasama si US Defense Secretary Lloyd Austin.

Samantala, patuloy na makikipag-ugnayan ang Pilipinas sa ibang bansa upang bumuo ng relasyon kung saan maisusulong ang "core national interests" ng bansa.

Matatandaan na noong Pebrero 2020, nagbanta ang pangulo na babawiin ang kasunduan kung hindi aayusin ang US visa cancellation ni Senator Ronald "Bato" Dela Rosa.

VFA ang kasunduang pinirmahan ng dalawang bansa na naglalayong magbigay ng "simplified access procedures" sa US service members na may "official business" (bilateral trainings o military exercises) sa Pilipinas pati na rin pamamaraan kung paano mareresolba ang mga isyu na maaaring mangyari dahil sa presensya ng US forces sa Pilipinas.


Mga sanggunian ng ulat: Philippine Daily Inquirer, CSIS