Ni Roland Andam Jr.

PHOTO: UK News

Tinanggihan ng China nitong Biyernes, Agosto 13, ang panawagan ng World Health Organization (WHO) para sa panibagong pagsisiyasat sa pinagmulan ng Coronavirus Disease, dahil bunga umano ito ng pamumulitika at hindi na nakabase sa ‘scientific inquiry.’

"We oppose political tracing... and abandoning the joint report,” saad ni Vice Foreign Minister Ma Zhaoxu. "We support scientific tracing."



Kasunod ito ng naging pag-uudyok ng WHO sa China nitong Huwebes, Agosto 12, na ibahagi ang raw data ng mga pinaka-unang kaso ng COVID-19 sa kanilang bansa.

Ayon sa WHO, mahalagang malaman kung paano talaga nagsimula ang COVID-19 pandemic upang mapigilan na maulit ito sa hinaharap —at para na rin mabigyang-linaw ang kontrobersyal na “lab leak theory.”

“WHO reiterates that the search for the origins of SARS-CoV-2 is not and should not be an exercise in attributing blame, finger-pointing or political point-scoring,” pahayag ng UN health agency. 

“It is vitally important to know how the COVID-19 pandemic began, to set an example for establishing the origins of all future animal-human spillover events,” dagdag pa nila. 

Pumalag naman dito ang China, sa pamamagitan ni Ma, at sinabing sapat na ang naunang joint WHO-China mission na isinagawa noong Enero at hindi na kailangan ng kasunod pa na pagsisiyasat. 

"The conclusions and recommendations of WHO and China joint report were recognized by the international community and the scientific community," sabi ni Ma.

"Future global traceability work should and can only be further carried out on the basis of this report, rather than starting a new one," dagdag pa niya.

Sa inilabas na resulta ng nasabing pag-aaral noong Marso, nabigong tukuyin nang malinaw ng mga eksperto ang tunay na pinagmulan ng coronavirus disease.

Sa halip, naglahad sila ng ilang hypotheses kung saan lumalabas na ang paglipat ng virus mula sa paniki patungo sa tao sa pamamagitan ng intermediate animal ang “most probable scenario,” habang “extremely unlikely” naman ang posibilidad na tumagas ang virus mula sa mga virology labs sa Wuhan.

Umani ng batikos ang imbestigasyon dahil sa umano'y kakulangan sa transparency at access ng mga eksperto sa kasagsagan ng pag-aaral; Idagdag pa rito ang kabiguan nitong siyasating mabuti ang “lab leak theory.”

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagmatigas ang China at tinanggihan ang apila ng WHO para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon nito sa pinagmulan ng COVID-19.

Sa katunayan, umapila rin ang WHO noong nakaraang buwan para sa kooperasyon ng China sa ikalawang yugto ng imbestigasyon kung saan isasama ang audits ng mga laboratoryo sa Wuhan.

Ikinagalit ito ng Beijing sa pamamagitan ni Zeng Yixin, deputy head ng National Health Commission, na nagsabing pagpapakita ito ng “disrespect for common sense and arrogance towards science.”



Giit pa ni Yixin, wala umanong empleyado ng Wuhan Institute of Virology ang nagkasakit dahil sa pinag sususpetsahang leak.

Maaalalang sa Wuhan, China natuklasan ang unang kaso ng COVID-19 noong Disyembre 2019; Simula noon, humigit-kumulang 4.3 milyong katao na ang namatay bunsod nito.