Ni Roland Andam Jr.

PHOTO: ABS-CBN Entertainment


Sumakabilang-buhay na sa edad na 46 ang beteranang komedyante na si "Mahal", Noeme Tesorero sa tunay na buhay, nitong alas-kuwatro ng hapon, Martes, Agosto 31.

Ito ang malungkot na balitang kinumpirma ni Irene Tesorero, nakababatang kapatid ni Mahal.



"Ang aming kapatid na si Mahal ay pumanaw na. Wala pa[ng] schedule sa kanyang burol due to COVID restriction," pahayag ni Irene Tesorero sa isang Facebook post.

Sa report ng PEP.ph, napag-alaman sa kapatid ni Mahal na "gastro illness" at COVID-19 ang sanhi ng kanyang pagpanaw sa isang ospital sa Batangas.

Kanina lang din aniya natuklasang nagpositibo pala sa COVID-19 ang naturang aktres. 

Ayon pa kay Irene, may pre-existing condition din daw si Mahal na high blood pressure.

"Namatay siya kaninang alas-kuwatro. May COVID siya at gastro. Meron din siyang pre-existing condition, may high blood pressure. Sa edad niya saka sa dwarfism niya, so far, talagang nasa high risk na siya ng COVID. Kanina lang nalaman na may COVID siya, hindi napa-test," pahayag ni Irene.

"On the way na ang body ni Mahal sa cremation kasi hindi siya puwedeng i-travel sa Manila. Kailangan siyang i-cremate and then later, we will post yung wake niya kasi ang daming nagre-request na magpaalam sa kanya," dagdag pa niya.

Ipinanganak noong Disyembre 29, 1974, sa Virac, Catanduanes, sumikat si Mahal noong dekada '90.

Kamakailan lamang ay kinigiliwan ng madla ang pagkikita nilang muli ng kanyang katambal na si Mura, Allan Padua sa tunay na buhay, sa Guinubatan, Albay, sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho. 

Sa pinakahuling vlog ni Mahal na inilabas nitong Biyernes, Agosto 27, tampok ang behind-the-scenes ng kanyang paglabas sa naturang programa.

Paalam, mahal ka namin, Mahal.


Sanggunian ng ulat: PEP PH