Donasyong bakuna mula U.S. maaaring rason sa pagpapanatili ng VFA
Ni Ricci Cassandra Lim
PHOTOS: AFP, Getty Images, PCOO |
Sinabi ng Malacañang nitong Lunes, Agosto 2, na isa sa mga maaaring rason ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapanatili ng Visiting Forces Agreement (VFA) ang donasyon ng Estados Unidos na mga bakuna kontra COVID-19.
Inamin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na maaaring isa ito sa mga naging rason ni Duterte sa kabila ng pagkokonsidera nito sa kabuuang sitwasyon.
“I said, the totality of circumstances. There’s a good possibility po that was also part of the equation,” sagot ni Roque sa press briefing.
“Kung talagang gugustuhin ni Presidente, talagang pinatuloy na niya ‘yung termination ng VFA. Pero naka-ilang beses siya ng extension ng termination at siguro po ‘yung mga totality ng mga pangyayari recently at saka ‘yung thorough assessment of what constitutes the national interest prompted him to withdraw his earlier termination,” dagdag nito.
Nakatanggap na ang bansa mula sa Estados Unidos ng 3.2 milyong dose na single-shot na bakunang na gawa ng Johnson & Johnson at inaasahang muling makatatanggap ng 3 milyong dose ng Moderna ngayong linggo.
Maaalala rin noong Pebrero nakaraang taon na nagbanta ang pangulo na ititigil niya ang kasunduan mula noong tatlong beses itong nasuspinde.
Sanggunian ng ulat: Philippine Daily Inquirer