Ni Deighton Acuin

PHOTO: PCOO

Muling nagpasalamat si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Sabado sa China matapos ang muling pamamahagi ng donasyong bakuna mula sa Sinopharm.

Sa kaniyang lingguhang “Talk to the People” address na inere nitong umaga, kaniya ring binigyang-pansin ang mga kritiko sa foreign policies na ipinatutupad sa pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa China. Sinabi rin ni Duterte na hindi makatatanggap ang bansa ng ligtas na bakuna kung hindi dahil sa kaniyang mga polisiya.



Kaniya ring binalikan ang mga panahong siya ay tumawag kay Chinese President Xi Jinping upang makakuha ng COVID-19 vaccines.

“Walang supply [ng bakuna] hanggang ngayon. Mabuti na lang binigyan tayo ng, is it 1 million? I’d like to thank China binigyan na naman tayo ng one million doses. Kita mo?” ani Duterte.

“Ngayon itong mga gagong ito, si Albert, Trillanes. Kung sinabing tama sila tapos sumunod ako sa kanila, ang unang bakuna, wala tayo. Sino nagbigay? China,” dagdag ng punong ehekutibo, kaniya ring tinukoy ang mga prominenteng personalidad sa oposisyon na sina dating Senador Antonio Trillanes IV at dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario

Nagsimula ang pambansang bakunahan noong Marso 1 matapos makatanggap ang bansa ng 600,000 Sinovac vaccines.

Nitong Biyernes ng hapon, ipinadala ang unang tranche na naglalaman ng 739,200 doses mula sa Sinopharm. Sabado naman ng umaga natanggap ang natitirang 260,800 doses.

As of August 21, 48,522,890 COVID-19 vaccine doses na  ang naipadala sa bansa. Sa kabuuan, ito ay may kakayahang makapagpabakuna ng 25,881,870 indibidwal.



Ayon sa Department of Health (DOH), sa ulat nitong Biyernes, Agosto 21, nakapagtala ng 1,824,051 COVID-19 cases, kabilang ang 123,935 active cases, 1,668,520 recoveries, at 31,596 deaths. 

Samantala, 29,127,240 doses na ang naiturok sa bansa as of August 18. Sa bilang na ito, 16,250,043 indibidwal ang nakatanggap ng paunang dose at 12,877,197 indibidwal ang fully vaccinated.