Nina Quian Vencel Galut at Ricci Cassandra Lim

PHOTO: PCOO

Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes ang usapin sa pagpapatayo ng casino sa isla ng Boracay dahil sa pangangailangan ng pamahalaan ng pondo. 

Salungat sa pagtutol niya noong una, nagdesisyon na ang Pangulo na magpatayo at ituloy ito dahil sa kakulangan ng pera.

“‘Pag sinabi: ‘Ito si Duterte, bakit sabi mo ayaw mo ang sugal, tapos ngayon ‘yung casino sa Boracay, ‘yung gambling house doon, ine-encourage mong buksan para sa tourists?’ Patawarin na po ninyo ako for the contradiction,” giit ni Duterte sa kanyang pangalawang "Talk to the People" address ngayong linggo.

“Ngayon wala tayong pera, kung saan man tayo makakuha ng pera, kukunin ko. Kung diyan sa gambling, so be it,” dagdag pa niya.

“Ngayon kung nagkamali ako, tama ‘yan, nagkamali ako. Kung wala akong isang salita diyan, tama ‘yan wala akong isang salita diyan pero kailangan ko ng pera para patakbuhin ang gobyerno kasi marami akong nagastos,” pagpapatuloy nito.



Matatandaan noong Abril 2018, ipinag-utos ni Duterte na itigil ang mga prangkisa ng mga gustong mag-negosyo ng casino sa bansa sapagkat ayaw niyang maging pugad sugalan ang Pilipinas.

Kabilang na rito ang Galaxy Macau’s Galaxy Entertainment Group at ang iba pa nitong kasosyo na nagpahayag ng kanilang plano hinggil sa pagtatayo ng isang $500-million integrated casino resort sa loob ng isla ng Boracay.

Kaniya itong ipinag-utos sa kadahilanang ipinaglalaban ng mga residente rito [Boracay] ang “no-casino policy” sa kanilang lugar.

Noong Hulyo 2021, nagpahayag si Duterte ng pagsang-ayon sa pagpaparami ng operasyon ukol sa “gambling activities” tulad ng casino at ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa upang makalikom ng pondo para sa paglutas ng problema sa kinakaharap sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19.