Duterte sa LGUs: ‘Hindi marunong mag-organize ng mga distribution'
Ni Daniel Enrico Chua
PHOTO: PCOO |
"May isang siyudad ako dito na I ordered the DILG at DSWD na kayo na ang magbigay ng mga ayuda pati 'yong mga kung anong maitulong sa local government units na walang alam at hindi marunong mag-organize ng mga distribution.”
Ito ang salawikain ni Pangulong Rodrigo Duterte nang atasan niya sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamimigay ng ayuda sa isang lokal na pamahalaan National Capital Region (NCR) dahil sa kawalan ng organisasyon.
"Wala talagang kaalam-alam itong mga mayor na 'to so tanggalan muna natin itong pamimigay, pagdi-distribute ng pera pati tulong ng gobyerno," saad pa ng pangulo, bagaman wala siyang binanggit na siyudad tungkol sa pangyayari.
Sa naganap na briefing ay nabanggit din ng presidente ang mga paghahanda bago mamahagi ng mga ayuda upang maiwasan ang kaguluhan sa gitna ng pagsipa sa mga kaso ng COVID-19 at pagpasok ng mas nakahahawang Delta variant na unang namataan sa India.
"Hindi ko binigay sa kanila, There's only one in Metro Manila,” aniya.
Matapos ang tirada ng punong ehekutibo, sinabi ng DILG na wala pang ibinababang kautusan mula sa Malacañang tungkol dito.
Sa kabilang banda, nagsalita naman si DILG Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya na humigit kumulang 11-milyong mamamayan ng NCR ang makatatanggap ng benepisyo mula rito.
Dagdag pa niya, ang mga ayuda ay karapat-dapat na maipamahagi sa low-income households sa NCR na apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) na magsisimula ngayong ika-11 ng Agosto.
Sa kabilang dako, itinanggi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pagtanggal ng pangulo sa isang lokal na pamahalaan para mamahagi ng cash aid sa mga nasalanta ng pandemya.
"Hindi nabanggit ng presidente. As a spokesperson, I cannot add to that. I will have to leave it at that."
"I leave the decision to DILG and DSWD kasi sila ang inutusan," dagdag pa ni Roque.