MPL PH S8: Blacklist umiskor ng 2-0 opener panalo kontra TNC
Ni Winlei Kim Castro
PHOTO: MLBB Community |
Dominanteng sinimulan ng Blacklist International ang pagdepensa sa kanilang titulo.
Binigo ng Blacklist ang TNC Pro Team na umukit ng rubber match sa panibagong season ng Mobile Legends Bang Bang Professional League via 11:36 minutong paspasang panalo sa game 2 nitong Biyernes.
Makaraang lumusot sa 20-minute-long sagupaan sa unang laro, pinatikim ng 8-0 kill atake ng Blacklist ang dating kilala bilang Work Auster Force bago buwena-manong mapitas ng huli si Chou ni Hadjizy.
Ngunit arangkada pa rin ang MSC runner-up Blacklist nang paslangin ang Lord, wala pang 10 minuto ang natatapyas sa orasan, at 'di naawat na selyuhan na ang serye.
PHOTO: MPL |
Walang mantsa si Hayabusa sa kamay ni Kiel "OHEB" Soriano na nagpaskil ng 5/0/2 Kills/Death/Assists upang pangunahan ang sweep victory ng kanyang koponan.
Sorpresang pagbabalik ni Kimmy bilang jungler sa land of dawn ang last pick ng Blacklist at napanindigan ito ni Danerie James "Wise" Del Rosario nang magtala ng 3/1/7 KDA rekord sa ikalawang tagpo.
Itinumba ng TNC ang unang Lord sa first game, ngunit inagaw na ang momentum ng Aldous ni Wise, 4/2/5; at Alice ni OHEB, 4/1/3 na nanguna sa pagkitil sa ikalawang Lord patungo sa pagdakip sa 1-0 bentahe.
Itinaguyod ng 6/1/3 KDA ni Daniel "Chuuu" Chu ang opensa ng TNC sa unang sagupaan gamit ang Lancelot at umalalay pa ang Lunox na may 4/1/4 kartada na kinontrol ni Clarense "Kousei" Camilo, ngunit bitin pa rin ito para ihulog ang kasalukuyang kampeon sa 0-1 iskor.
Sinamahan sa win column ng Blacklist ang nanaig na ONIC Philippines laban sa karibal na ECHO PH (dating AURA), 2-0.
Tatlong best-of-three banggaan ang tampok sa August 28, kung saan itataya ng Blacklist at ONIC ang malinis na baraha kontra NXP EVOS at Smart Omega, ayon sa pagkakasunod. Hahadlang naman ang BREN sa pagbawi ng ECHO.