Ni Deanne Reese Imperial

Sa pagguhit ni Brandon Jon Delos Santos

Mabagsik ang kalabang hindi nakikita ng mata, ngunit sa kabila nito, mahigit isang taon na tayong ipinaglalaban ng healthcare workers ng bansa. Sa araw-araw na pagbubuwis buhay ng mga ito, nakapanlulumo na pumalo na sa P311 milyon ang halaga ng utang na special risk allowance (SRA) ng Department of Health (DOH) sa kanila. 

Alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DOH at Department of Budget and Management (DBM), ipinangako ni Health Secretary Francisco Duque III na maibabahagi na ang SRA ng mahigit 20,000 public at private healthcare workers ng bansa. Ito ay matapos magbanta ang Alliance of Health Workers (AHW) ng “mass protest” kung hindi pa rin nila matatanggap ang mga benepisyong nakalaan para sa kanila. Kung iisipin, bukod sa malinaw na kapabayaan ng mga kagawarang sangkot, sumasalamin din ito sa nakakadismayang pagtrato ng pamahalaan sa medical workers ng bansa mula noon hanggang ngayon – na kung hindi kakalampagin, ay hindi rin mamamansin.

Sa depensa naman ng DOH at DBM, natagalan ang pamamahagi ng benepisyo dahil sa maraming dahilan na hindi direktang natukoy ng dalawa. Ngunit, sa ulat ng Commission on Audit (COA) kamakailan, lumalabas na may nagkakahalagang P535 milyon ng ayyuda sa ilalim ng DOH ang may “incomplete documentary support.” Bukod pa rito ang P214 milyon na natanggap umano ng mga “unqualified recipient”. Patunay lamang ito na sa kabila ng napakaraming sakripisyong ginagawa ng healthcare workers ng bansa, naaatim pa rin ng kagawaran na linlangin at balewalain ang bawat oras at pagod na kanilang nilalaan. Mabuti nang bantayang maigi ng COA ang paggastos ng mga ahensiya sa pondo ng bayan dahil hindi biro ang ipinagkakait nito sa mga manggagawang nais lamang protektahan ang sambayanang Pilipino.



Samantala, bukod sa SRA, inirereklamo rin ng AHW ang kakulangan nila sa pagkain, transportasyon, accommodation allowances, active hazard duty pay, at iba pa. Sa katunayan, ayon kay Cristy Donquines, pangulo ng Jose Reyes Memorial Medical Center Employees Union-AHW, marami na sa kanila ang maagang nagbitiw sa tungkulin o di kaya’y lumuwas ng ibang bansa. Ganoon din ang lagay sa St. Luke's Medical Center at marami pang ospital. Inilalarawan lamang nito ang katotohanan na parating nagkukulang ang pamahalaan sa pagpapahalaga sa serbisyong ibinibigay ng healthcare workers ng bansa. Sa laki ng badyet na inilalaan sa sektor ng kalusugan buhat ng pandemya, tungkulin ng kagawaran na ipadama ito sa mga taong literal na ibinubuwis ang buhay para sa iba. Hindi lamang dapat SRA ang maibigay kundi mas mataas na sahod, maayos na pagtrato, at maagap na tulong mula sa pamahalaan. 

Sa mahigit isang taon na pakikipaglaban ng medical frontliners kontra COVID-19, hindi na sapat ang pagkilala’t parangal upang masuklian ang lahat ng pagod at peligro na araw-araw nilang hinaharap. Hindi na dapat maulit pa ang usad-pagong na pagbibigay ng ayuda sa mga AHW. Dapat ding bumitaw na sa puwesto si DOH secretary Francisco Duque III dahil sa kawalan ng kaniyang kakayahan upang punuin ang responsibilidad ng pagiging isa sa mga lider ng paglaban kontra sa pandemiya. Panahon na upang tunay na bigyang pansin ang mga hinaing na noon pa ma’y kinakalampag na ng binansagang “makabagong mga bayani” ng bansa.