P6.5-M infinity pool ng PPA ‘legal,’ ‘essential’ — Malacañang
Ni Roland Andam Jr.
PHOTO: ONE News |
Taliwas sa pagbansag ng Commission on Audit (COA) bilang "unnecessary" sa konstruksiyon ng P6.5-milyon halagang infinity pool ng Philippine Ports Authority (PPA), nangatwiran ang Malacañang nitong Lunes na ito umano'y "legal" at "essential."
Idiniin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kakailanganin daw ang pool para sa pagsasanay ng mga port police personnel para sa emergency at rescue operations.
Maliban dito, naaayon at pinahihintulutan din aniya ng Section 69 ng PPA Charter ang pagpapagawa sa naturang pasilyo sa PPA training compound sa San Fernando City, La Union.
“This is not an extravagant infinity pool, it is merely an engineering and structure design element,” saad ni Roque bilang segundo sa pahayag ni PPA General Manager Jay Santiago.
Ayon pa kay Roque, ipinapakita raw ng isang pag-aaral na mas mainam ang "continuous flow" ng infinity pool kumpara sa conventional pool, dahil tuluy-tuloy raw na nasasala at napapalitan ang tubig nito.
“There are studies which show that the continuous flow [of water] in an infinity pool is better than a conventional pool,” dagdag pa niya.
Sa 2020 audit report ng COA, inilahad ng ahensya na "unnecessary" ang konstruksiyon ng infinity pool at karagdagang silid sa La Union training center compound ng PPA, gayong naging sanhi raw ito ng pagkaka-demolish ng bagong-gawang canopy at perimeter fence.
Isang “improper and wasteful” na paraan anila ito ng paggasta sa public funds.
Sumatotal, nasa P10.84 milyon ang halaga ng nagastos para sa konstruksyon.
Bukod sa infinity pool, kabilang sa mga pinagawa ang P3.43-milyon halagang guest room, P400,432.15 pergola, at isang P419,912.75 decorative rock wall.
Giit ng COA, “more appropriate for tourism and recreational purposes" daw ang infinity pool, pergola, at decorative rock wall, samantalang "not necessary" naman ang pagpapagawa sa additional room dahil sapat na naman anila ang mga silid sa naturang training center.
“Despite the adequacy of the facilities and amenities, management still pursued the construction of new structures without any supporting feasibility study, and seemingly, without regard for value-for-money,” pahayag ng COA.
Mga sanggunian ng ulat: ONE News, ABS-CBN News, GMA News