Paano isinasalba ng mga Aeta ang nanganganib na wikang Mag-indi
LARAWAN MULA SA: Flickr |
Sa humigit 170 na wika sa bansa, 30 rito ang nanganganib nang mawala dahil sa pag-unti ng mga nagsasalita nito, batay sa isang pag-aaral. Kabilang dito ang katutubong wikang mag-Indi ng mga Aeta sa Central Luzon.
Itinampok sa isang dokumentaryo ng Brigada ang isang natatanging gurong Aeta na si Jennifer Serrano ng Camias National High School, na katutubong wikang Mag-indi ginagamit na wika sa pagtuturo sa loob ng silid-aralan at hindi Kapampangan gaya ng ibang guro.
“Kapag may pinag-uusapan, mas naiintindihan nila kung ano ‘yung tinuturo mo po,” pahayag ni Jennifer.
Ang mga katutubong Mag-indi tulad niya ay naninirahan sa pagitan ng Porac at Florida, Pampanga. Ang barangay ay tirahan ng halos 5,000 na Aeta Mag-indi, subalit hindi lahat sa kanila ay bihasa sa paggamit ng kanilang wika.
Tulad ng ibang bayani, siya mismo ay aminadong nahihirapan sa pagtuturo gamit ang Mag-indi dahil sa impluwensya ng lenggwahe ng mga dumadayo sa kanilang lugar.
“Siguro po yung mga nakakaakyat tapos minsan po yung iba po kasi hindi dito nag-aaral, yung iba nag transfer sa baba kaya parang nagbago na yung salita nila,” ani Jennifer.
Sa kadahilanang malapit nang mawala ang wikang Mag-indi, kumukuha ng lakas si Jennifer upang ipagpatuloy na gamitin, ituro, at isalba ang kanilang wikang kinagisnan.
"Mahalaga po yung wika natin kasi po para po magkaintindihan po kaming mga Aeta lalo na po sa mga bata kapag nagtuturo mas kailangan pang i-translate," pahayag niya.
Bukod kay Jennifer, tumutulong din sa pagsagip sa kanilang wika ang lider ng komunidad ng Aeta na si Benny Capuno. Nais ni Benny na isama sa kurikulum ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang wikang ito dahil sa kanilang paniniwala na ito ay isang biyaya mula sa mga pinuno nila at binigay ito ng Diyos na lumikha ng Mag-indi.
Iba't ibang paraan ang kanilang ginagawa upang mapanatili ang wikang ito at maipana pa sa mga susunod na henerasyon, gaya ng ortograpiyang tinatawag na “Manulat Kitamina,” at ang pagsasalin ng bibliya sa naturang wika.
“Wika ang nagiging basehan namin upang mapanatili ang pagmamahalan, pagkakaisa, [at] pagkakaintindihan,” pagbabahagi ni Benny.
Sa mata ng mga katutubong Aeta, ang kanilang sariling wika ay pamana ng nakaraan, kayamanan ng kasalukuyan, at biyaya sa hinaharap. Kaya naman, may mga bayaning tulad ng gurong si Jennifer at Benny na aklat at edukasyon ang sandata laban sa modernisasyon upang patuloy na mabuhay ito sa puso at diwa ng mga susunod pang henerasyon.
Mga sanggunian: Day Translations, Research Gate, Brigada GMA News