Russia’s Sputnik Light vaccine maaaring gamitin ng Pilipinas vs COVID-19
Ni Charmaine Delos Santos
PHOTO: Eagle News |
Kamakailan lamang ay inaprubahan ang paggamit ng Russia’s Sputnik Light vaccine sa Pilipinas para sa biglaang pangangailangan ng mga bakuna. Ang Sputnik Light vaccine ay nagmula sa Russia na ayon sa mga eksperto ay mayroong efficacy rate na 79.4% at isa ring single-dose na bakuna katulad ng Johnson and Johnson vaccine.
Layunin ng gobyerno ng Pilipinas na mabakunahan ang 70 milyong Pilipino sa pagtatapos ng 2021 kung kaya’t nagsumite sila ng Emergency Use Authorization (EUA) para magamit ang nasabing bakuna.
“Naaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang EUA and we will follow up yung more or less 10 million natin na doses. It will become “10 million treatments”, meaning, sampung milyon na tao ang makikinabang nito ng full protection,” saad ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr.
“Sputnik is a viral vector vaccine and it’s similar to AstraZeneca. Kaya kahit hindi magkapareho ang mga bakunang ito, nagkakaroon tayo ng ideya kung gaano ito kamabisa laban sa Delta Variant,” saad ni Vaccinologist and Global Health Specialist Melvin Sanicas.
‘Kasiguraduhan sa paggamit ng bakuna’
“Ang magandang balita, lahat ng emergency use listed (EUL) na bakuna ng World Health Organization (WHO) ay nakatutulong laban sa malubhang sakit, pagkaka-ospital, pagkamatay,” ipinaliwanag ni Dr. Soumya Swaminathan, isang WHO Chief Scientist.
Aniya, ang mga taong “fully vaccinated” na ay may maliit na tsansang ma-ospital kapag nadapuan ng Delta Variant ng CoronaVirus Disease-2019 (COVID-19) dahil kahit papaano ay nakakapagbigay ng proteksyon ang isang bakuna.
“Walang bakuna na nagpoprotekta nang 100% laban sa impeksyon,” saad ni Dr. Benjamin Co, isang Infectious Disease and Clinical Pharmacology Specialist.
Ayon kay Sanicas, ang isang bakuna ay nakakabawas lamang ng peligro na mahawa ka sa COVID-19 pero hindi ito ang kasiguraduhan na protektadong protektado ka na laban sa COVID-19.
Sanggunian ng ulat: Rappler