By Monica Chloe Condrillon

PHOTO: PCOO

Nagbabadya si Pangulong Rodrigo Duterte na gawing mandatory ang pagpapabakuna at gamitin ang police power ng estado bilang pagpipilit sa sino mang tatanggi sa kabila ng mga pakiusap na inilatag ng gobyerno.

Nabanggit din niya ang paggamit ng awtoridad doon sa mga taong aayaw dahil sa kanilang paniniwala at relihiyon sa kanyang Talk to the People noong Lunes.

“I do not want to advance this theory, but under the police power of the state, everybody can be compelled to be vaccinated. Not because we do not believe in your theory or belief, or your religion, but because you are a carrier and a danger to society,” wika ng pangulo.

Pinuna rin niya na karaniwan ngang hiwalay ang simbahan at estado ngunit sa kasalukuyang banta ng COVID-19, maaaring kailangan ang police power para puwersahin ang mga ito.

“Hahawaan mo kapwa tao mo, patayin mo, and maybe it would affect a large number of our people, then you are already a danger to society, and therefore I said, contrary to the belief or opinion of others, I can compel you under the police power of the state, opinyon ko lang 'yan," pahayag niya.

Dagdag pa ng Pangulo na kinikilala naman niya ang kaibahan ng mga paniniwala pagdating sa pagpapabakuna, pero saad niya na ‘completely irrelevant’ ito kung kalusugan at kapakanan ng lahat ang pag-uusapan.

“If everybody does not comply with the vaccines, and we can have a... wildfire spread, then the police must go in and intervene in your private life so that you cannot be a danger to society,” muling banta ni Duterte.

Magugunita na nagbanta rin ang Pangulo noong nakaraang Hunyo na ipakulong ang mga ayaw magpabakuna.

Isinaad din niya sa talumpati na sa kasalukuyan, umabot na sa 43.9 milyong dosage ang naiturok na bakuna sa buong bansa at nasa 22.5 milyon nito ang unang dosage pa lamang.

Tinatayang nasa 20.3 milyong Pilipino naman ang maituturing nang fully vaccinated.


Sanggunian ng ulat: ABS-CBN News