Ginebra, nasilat ang Phoenix, raratsada sa Playoffs
Ni Paul Lerrom Conducto
PHOTO: SPIN PH |
Nakaligtas pa ang defending champ na Barangay Ginebra San Miguel sa kanilang sudden death match laban sa Phoenix Fuel Masters, 95-85, sapat upang umabante sa Quarter Finals at resbakan ang top seed TNT Tropang Giga.
Nagawang maisalba ni Prince Caperal ang Gin Kings matapos kumamada ng 19 puntos na nagresulta upang mapasakamay ng kanilang koponan ang ika-walong spot sa 2021 PBA Philippine Cup, kanina sa DHVSU Gym,Bacolor,Pampanga.
“Trabaho lang ang ginawa ko, kung gamitin man o hindi sa game basta ibigay lang lagi best ko,” ani ni Caperal.
Naging susi rin ng Ginebra ang kanilang depensa ayon sa coach na si Tim Cone na pinangunahan naman ng center na si Christian Standhardinger na mayroong 12 rebounds dagdag pa ang kanyang ambag na 15 puntos.
“We are really focusing on the defensive side until we got tired in the 4th quarter, but we’re still helping each other to get a great job in defending” pahayag ni coach Tim.
Habang pinamunuan naman ang opensa ng Phoenix nina Jason Perkins at Chris Banchero na may tig-15 at 14 puntos, nagsanib-pwera sila upang makagawa ng 9-0 run sa huling tatlong minuto ng 4th quarter at makadikit sa 90-82 iskor.
Muntikan pang mabaliktad ang laro nang makatira ng tres si Perkins bago pumatak ang last 2-minute mark ngunit sinigurado na ng Ginebra ang kanilang panalo nang pigilan sa huling isang minuto ang Phoenix na malapitan pa ang ring.
Nagawang ilaglag ng Ginebra sa do or die game ng Elims ang Phoenix at kakaharapin nila sa first game ng Playoffs ang TNT na may twice to beat advantage laban sa kanila.