Gordon: 'Cheap' Duterte, 'di 'dasurb' respeto ng mga Pinoy
Ni Roland Andam Jr.
PAALALA
PHOTO: SENATE PRIB, PCOO |
Hindi nararapat sa respeto ng sambayanang Pilipino bilang Presidente ang isang "cheap" na pulitiko gaya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Banat 'yan ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon kasabay ng kanyang pagkastigo sa pagtatanggol umano ni Duterte sa mga personalidad na sangkot sa pagbili ng overpriced pandemic supplies ng gobyerno na ngayo'y pinuputakti ng pambabatikos.
"Mahirap kayo tangkilikin, Mr. President, because you do not act like a president. Today I tell you, you are not a president the Filipino people can respect," saad ni Gordon.
Ayon pa sa Senador, isa umanong "cheap politician" si Duterte dahil ipinagtatanggol niya sina dating presidential economic adviser Michael Yang at ex-budget undersecretary Lloyd Christopher Lao, na kapwa sangkot sa maanomalyang transaksyon ng pamahalaan sa Pharmally Pharmaceutical Corp.
Sa ginagawang imbestigasyon ng Senado, nabunyag na si Yang ang siya palang financer ng Pharmally.
Si Lao naman ang pumirma ng kontrata sa pagitan ng pamahalaan at ng naturang korporasyon bilang siya noon ang nakaupong chief ng Department of Budget and Management's Procurement Service (PS-DBM); Sinasabi ring si Lao ang naging election lawyer ni Duterte noong 2016.
“I am really sorry for you, Mr. President. Ang ipinagtatanggol ’nyo si Lao? May utang na loob kayo dahil sa eleksiyon? You are a cheap politician, Mr. President. Cheap politician, as cheap as they come, Mr. President. I’m sorry. And, Mr. President, ang ipinagtatanggol ’nyo si Yang? Mr. President, kailangan ’nyo bang ipagtanggol? Bilyonaryo ’yan!” wika ni Gordon.
"You need prayers. Nag-aral kayo sa Catholic schools pero parang wala kayong natutunan," dagdag pa niya.
'Pamumulitika, itinanggi ni Gordon'
Makailang ulit na ring ginisa ng Pangulo si Gordon sa kanyang mga talumpati bunsod ng masinsinang pagbubusisi ng komite na pinamumunuan ng Senador sa mga nasabing maanomalyang transaksyon.
Bukod sa pamumuna sa katabaan ng Senador, inakusahan din ni Duterte si Gordon na ginagamit umano niya ang pagiging chairman nito sa Philippine Red Cross upang pondohan ang kanyang kampanya sa nalalapit na Halalan 2022.
Pinabulaanan naman ito ni Gordon at sinabi pang hindi rin niya ginagamit ang nabanggit na imbestigasyon ng Senado para sa kanyang pansariling interes.
Aniya, ginagawa lamang nila ang kanilang tungkulin na imbestigahan ang mga kaso ng korapsyon sa gobyerno.
Giit pa ni Gordon, wala pa raw siyang plano ukol sa eleksyon sa susunod na taon.
“Mr. President, wala akong ambisyon. Malamang ’di na ’ko tatakbo, sa totoo lang eh. Ayoko na eh. Nakapagsilbi na po kami. Kaya ’wag ’nyo ’ko sabihang kami’y namumulitika rito. Wala ho akong plano ngayon,” pahayag niya.
Kaugnay nito, una na ring sinabi ni Gordon na pinag-iisipan pa niya kung susubok siya sa pagka-Pangulo, tatakbo ulit bilang Senador o bilang Alkalde ng Olongapo City sa 2022.
Mga sanggunian: Rappler, ABS-CBN News