Korapsyon ibinintang ni Duterte sa ilang senador, gabinete tinawag na 'malinis'
Ni Cherry Babia
PHOTO: PCOO |
Inakusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga senador, partikular na si Richard Gordon, na sangkot sa korapsyon at sinabing 'all- clean' ang kanyang mga kasamahan sa gabinete nitong Setyembre 16.
"I would be lying if I say there is no corruption. In some other offices now, agencies, department, there are. But I’m making you this guarantee, ‘yong Cabinet members ko wala ‘yan. Puro malinis ‘yan," ani ng pangulo sa kanyang taped meeting kasama ang mga opisyal sa gabinete.
"Ang mga senador meron. Gordon is one," ani Pangulong Duterte.
Sinabi niya rin na wala umanong 'overpricing' na naganap at 'no ghost deliveries' gaya ng pinapahiwatig ng mga senador.
Dito rin binilin niya sa opisina ng Solicitor General na magsulat sa Commision on Audit (COA) at tingnan ang mga finances sa Philippine Red Cross, kung saan namamahala si Gordon.
Sagot naman ng COA na wala itong kapangyarihan sa organisasyon dahil hindi naman ito ahensya ng gobyerno.
"Sabi niya na natatakot na ako? Susmaryosep, Gordon, hindi mo ako matakot, not in a million years," ani Pangulong Duterte.
"Hindi ako kawatan kagaya mo, wala akong Red Cross na ginagatasan araw-araw. It's not my style," dagdag niya.
Sagot naman ni Gordon sa mga batikos ni Pangulong Duterte, distraction lang umano ito habang ang Senate Blue Ribbon Committee, na pinamumunuan niya ay iniimbestigahan ang 'di umanong overpriced medical supplies ng gobyerno noong 2020.
"We are totally focused. Evidence is very overwhelming and strong." aniya.
Mga sanggunian: Philippine Daily Inquirer, ABS-CBN News