Ni Nicole Mirasol Arceño

PHOTO: Rappler

Matagumpay na namang ibinandera ng 2020 Tokyo Olympian na si Ernest John Obiena ang watawat ng Pilipinas matapos magpasiklab at umukit ng nakakalulang 5.93m sa 17th International Golden Roof Challenge sa Innsbruck, Austria na ginanap kamakailan.

Sa pamamagitan ng matikas at swabeng galawan, maangas na performance ang tinikada ng 25-year-old na si Obiena na sumapat upang palitan at tuluyang tabunan ang Asian record ni Igor Potapivich ng Kazakhstan na 5.92m noong 1992.

"I fought for every centimeter of that," proud pang saad ng professional pole-vaulter na si Obiena.

Dalawang linggo pa lamang ang nakararaan nang magpakitang-gilas din ang Pinoy pride sa Paris leg ng Wanda Diamond League at iuwi ang ikalawang pwesto gamit ang 5.91m na nakapag-set din ng national at Asian record sa nasabing event.

Bukod sa sunod-sunod na tagumpay, matatandaan ding pumuwesto lamang sa ika-labing isa si Obiena noong 2020 Tokyo Olympics na nagsilbing inspirasyon niya upang mas pagbutihin sa larangan ng pole vault.

Dahil dito, nagpaabot ng papuri ang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) at ang Philippine Sports Commission (PSC) sa tagumpay na nakamit ni Obiena. 

"Even minor and subtle adjustments, unnoticed by ordinary laymen like us, can become a game-changer and turning point at the highest level of a very technical and dangerous event like pole vault," pagbabahagi ni Philip Ella Juico, presidente ng PATAFA. 

Idinaan naman ng PSC sa isang social media post ang kanilang pagbati sa atleta. 

"Congratulations Ernest Obiena, for setting an Asian record of 5.93 meters and winning the gold medal at the 17th International Golden Roof Challenge in Innsbruck, Austria," saad ng organisasyon sa isang Facebook post. 

Bunsod ng panalong ito, muling susubok si Obiena na mapasakamay ang kampeonato sa Internationales Stadionfest na gaganapin sa Berlin, Germany.


Mga sanggunian: ABS-CBN News, Business World