Bakuna sa kolehiyo, isinulong na para sa balik-eskwela; Roque, pinatutsadahan ang balik ligawan
Ni John Emmanuell Ramirez
PHOTO: Atty. Harry Roque |
Sa pag-arangkada ng malawakang pagbabakuna ng populasyon sa Oktubre 15, pabirong hinimok ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga kolehiyong mag-aaral na magpabakuna na upang makaranas na muli sila ng “face-to-face” na ligawan sa pagdating ng balik-eskwela.
Bilang tagapagsalita noong Miyerkules, ikinatuwa ni Roque na masisimulan nang bakunahan ang mga kabataan matapos ang “napakahabang paghihintay” sa ginanap na “Padyak! Para sa Flexible Learning, Sama-Samang Vaccination Program,” sa San Fernando City, Pampanga.
“Alam naman natin kung walang face-to-face classes eh wala tayong makikitang mga crush na pupuwede nating ligawan o yung mga nanliligaw na pupuwedeng sagutin,” pabirong patutsada ni Roque sa isang taped message.
Dagdag pa niya, “nagagalak po ako na matutuloy na ang ligawan sa ating mga colleges and universities dahil meron na pong mga bakuna na maituturok sa mga braso ng ating mga kabataan.”
Matatandaang ginanap ang naturang seremonya sa Mabalacat City College (MCC) at Our Lady of Fatima University sa Pampanga, dalawang araw bago opisyal na pasimulan ng gobyerno ang malawakang pagbabakuna sa general population.
Ang Pilipinas, di umano, ang isa rin sa pinakahuling mga bansa na magbubukas ng mga paaralan simula nang lumaganap ang pandemya ng COVID-19 noong Marso 2020.
Kaugnay nito, idiniin naman ni Commission on Higher Education (CHEd) Chairman Prospero de Vera na parte ito ng kampanya ng CHEd na siguraduhin ang kaligtasan sa mga kampus upang mabuksan ang mga paaralan para sa kombinasyon ng online, offline, at face-to-face na pag-aaral.
Nilinaw din niyang bagamat dumarami na ang bakunang paparating, walang nagaganap na “prioritization scheme” na pabor sa mga estudyante, sapagkat nasa instruksyon naman ni Pangulong Rodrigo Duterte na bakunahan ang publiko sa lalong madaling panahon, simula Oktubre 15.
"Students belong to the priority list as part of the general population, we should start targeting them," wika ni de Vera, kung saan nabanggit niyang dedepende pa rin ito sa availability ng mga bakuna sa bawat lokal na gobyerno.
Siniguro din ng CHEd na nakikipag-ugnayan ang kagawaran sa mga eksperto sa pagbubuo ng mga puntong-gabay sa limitadong tradisyonal na klase, kung saan ikinokonsidera nila ang bilis ng pagbabakuna, akmang pasilidad, at suporta ng lokal na pamahalaan.
Sa kasalukuyan, iniulat ni MCC President Dr. Michelle Anguilar-Ong na nauna na silang magpabakuna ng 400 mag-aaral na sumasailalim sa on-the-job training, bago maka-inoculate ng 800 pang estudyante sa naturang kampanya.
Bagamat naka 1200 estudyante na ang nababakunahan ng MCC, magsisimula na rin silang tumanggap ng ibang mga estudyanteng magpapabakuna mula sa ibang mga kolehiyo, hangga’t mayroon silang bakunang maihahandog.
Sa kabilang banda, maari nang magpabakuna sa Biyernes ang mga batang may edad na 12-17 taong gulang na may comorbidities o ang Pediatric A3 category, partikular na ang mga anak ng mga health-care workers.
Simula rin sa Nobyembre 5, puwede nang bakunahan ng lokal na gobyerno ang mga bata sa naturang same age group, ayon kay Ted Herbosa, National Task Force (NTF) adviser on COVID-19.
Mahigit walong ospital na ang napili sa unang parte ng pagbabakuna sa darating na Oktubre 15 hanggang 30: National Children’s Hospital, Philippine Children’s Medical Center, Fe Del Mundo Medical Center at Philippine Heart Center sa Quezon City; Philippine General Hospital sa Manila; Makati Medical Center; Pasig City Children’s Hospital; at St. Luke’s Medical Center in Taguig City.
Sa padulo ng Oktubre, inaasahan ng gobyerno na darating ang higit-kumulang 100 milyong bakuna.
Mga sanggunian: Manila Bulletin, The Manila Times, Philippine Daily Inquirer