Bolts, buhay pa sa serye kontra Magnolia; TNT, kinubra ang crucial Game 5 win kontra SMB
Ni Axell Swen Lumiguen
Buhay pa ang pag-asa ng Meralco Bolts na makapasok ng PBA Philippine Cup Finals matapos ang 102-98 win kontra sa Magnolia Pambansang Manok, para idikit sa 3-2 ang semis serye nila sa DHVSU Gym, Bacolor, Pampanga, kanina.
Bumulusok ang hot shooting ni Allein Maliksi na bumuno ng 29 puntos tampok ang 7-of-8 shooting mula sa rainbow country, kung saan dalawang tres niya ang pumasok sa last two minutes ng laro na siyang nagbigay ng bentahe sa Bolts para sa 99-93 kalamangan, 1:21 na lang ang nalalabi.
PHOTO: PBA |
Nagdagdag naman ng backcourt ni Nard Pinto at Chris Newsome ng 24 at 23 puntos para sa Meralco, ayon sa pagkakasunod-sunod. Ang nagbabalik na si Raymond Almazan mula sa ankle injury ay umasinta ng siyam na puntos, tampok ang dalawang crucial charities sa dying seconds ng laro para selyuhan ang laro
Mabagal ang naging panimula ng Bolts sa unang yugto ng laro nang lumamang agad ng double digits ang Mags matapos ang unang period, 33-23.
Mula rito ay nagpalitan na ng atake ang dalawang koponan sa second, at third period hanggang sa tuluyan nang ipanalo ng Bolts ang laro sa huling kanto.
Sa panig ng Magnolia, naglista si Mark Barroca ng 25 puntos habang may 19 na idinagdag si energizer Calvin Abueva.
Sa ikalawang laro naman ay pinataob ng Talk n' Text Tropang Giga ang San Miguel Beermen sa crucial 110-90 Game 5 win para sungkitin ang 3-2 kalamangan sa kanilang serye at lumapit sa Finals seat ng torneo.
PHOTO: PBA |
Maagang nagpaulan sa tres ang TNT upang simulan ang laro para sa 30-9 advantage sa kalagitnaan ng first quarter at tapusin ito sa 32-17 kalamangan.
Mas binalandra ng Tropang Giga ang naglalagablab na opensa nito sa ikalawang kanto para palobohin ang lamang sa 26 patungong halftime, 61-35.
Mula rito ay hindi na nagpabaya pa ang TNT at tuluyan nang kinubra ang panalo tampok ang pangkalahatang 14 three-pointers sa laro. Sa panig ng SMB, apat na outside shot lamang ang kanilang naipasok.
Nagsampa ng 19 puntos at 8 assists si Jayson Castro para pangunahan ang TNT at tanghaling best player ng laro, habang may tig-18 marka sina Roger Pogoy at Mikey Williams.
May 17 puntos din si Troy Rosario habang ang nagbabalik na si Kelly Williams mula sa safety protocols ay nagsalpak ng 12 puntos para sa top-seed Tropang Giga.
Sa panig ng SMB, nagbuhos ng 23 puntos si June Mar Fajardo, habang may 18 at 14 marka sina CJ Perez at Arwind Santos, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Tatangkain ng TNT at Magnolia na makapasok na sa Finals sa darating na Biyernes para sa muling pagsasalpukan ng apat na koponan sa magkahiwalay na Game 6 nito.