By Roland Andam Jr.

PHOTO: University of Oxford

Tinuldukan na ng Malacañang ang pananahimik nito, makalipas ang tatlong araw na walang paramdam, at binati na sa wakas nitong Lunes ang mamamahayag na si Maria Ressa sa kanyang pagkapanalo ng kauna-unahang solo Nobel Peace Prize para sa isang Pilipino.

“Binabati natin si Maria Ressa bilang kauna-unahang Pilipino na nagwagi sa Nobel Peace Prize," pahayag ni Presidential spokesperson Harry Roque, Oktubre 11, upang basagin ang katahimikan ng Palasyo ukol sa usapin. 

Biyernes lang ng napanalunan ni Ressa, co-founder at chief executive officer ng Rappler, ang 2021 Nobel Prize kasama ni Dmitry Muratov, punong patnugot ng Russian independent newspaper Novaya Gazeta.

Ayon kay Roque, ikinagagalak daw nila ang pagwawagi ni Ressa gayong wala naman daw "utak-talangka" sa Palasyo.

"It's a victory for a Filipina and we're very happy for that kasi wala naman pong utak-talangka dito sa Malacañang," saad niya.


Parangal ni Ressa, 'di raw 'sampal' sa Palasyo?

Nang tanungin naman ang tagapagsalita kung "sampal" daw ba sa administrasyon ang pagkapanalo ni Ressa ng Nobel Prize, mariing iginiit ni Roque na hindi raw.

Dahilan niya, alam naman umano ng lahat na walang na-'censor' na kasapi ng media sa bansa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"There is no slap there because as everyone knows, no one has ever been censored in the Philippines," wika ng Opisyal.

Pagsegundo ang pahayag na ito ni Roque sa naging pahayag naman ni National Artist F. Sionil Jose sa kanyang Facebook post kung saan niya sinabing hindi umano karapat-dapat si Ressa para sa nasabing parangal.  

Wala naman daw pinasara na istasyon ng radyo o pahayagan si Pangulong Duterte upang masabing may pag-atakeng nagaganap sa media sa bansa.

Buhay umano ang "press freedom" sa Pilipinas at hindi ito dahil kay Ressa. 

"The Philippine press is alive and well not because of Maria Ressa," pahiwatig ni Jose na isa namang Ramon Magsaysay recipient, ang Asian equivalent ng Nobel Prize.

Iginiit din ni Roque na bagamat makasaysayan ang pagkawagi na ito ni Ressa, isa pa rin siyang “convicted felon” sa sarili nitong bansa.

“It is true that there are individuals who feel that Maria Ressa still has to clear her name before our courts as, in fact, she’s a convicted felon for libel, cyber libel in the Philippines, and she faces other cases in the Philippines. That’s for the courts to decide,” saad niya.

Gayunpaman, agad din namang nilinaw ni Roque na ginagalang daw ng administrasyon ang naging pasya ng Norwegian Nobel Committee sa paggawad ng nasabing parangal kay Ressa.

"It was made by private individuals in Norway. We respect their decision," katwiran ni Roque.

Ayon sa Nobel committee, kanilang kinilala sina Ressa at Muratov para sa pagsisikap ng mga ito na ipaglaban at pangalagaan ang "freedom of speech" sa kani-kanilang bansa.

Unang beses ito para sa mga mamamahayag na tumanggap ng nasabing prestihiyosong pagkilala simula noong maparangalan si Carl von Ossietzky ng Germany noong 1935.

Kung maaalala, may namuong tensyon sa pagitan ni Pangulong Duterte at ng online news organization na Rappler na pinamumunuan ni Ressa. 

Sinasabing nag-ugat ito sa kritikal na pag-uulat at pagbabantay ng Rappler sa kontrobersyal na kampanya kontra droga ng kasalukuyang administrasyon.

Samantala, batay sa ulat ng Paris-based Reporters Without Borders, pasok si Pangulong Duterte sa listahan nila ng 37 world leaders na sinasabing inaatake ang "press freedom" sa kanilang bansa sa pamamagitan ng pagbuo ng "censorship apparatus" o 'di kaya nama'y pagkukulong o pangha-harass ng mga mamamahayag.

Sinabi rin ng nasabing international watchdog na ang ilan sa mga "paboritong target" ni Duterte ay ang ABS-CBN, Philippine Daily Inquirer, at hindi mawawala ang Rappler.