Lamay ng yumaong 17-anyos sa Palawan binaha; kabaong isinabit na lang sa kisame
Ni Kaela Patricia Gabriel
PHOTO: Sheryl Suico Tagyam |
Doble pasakit ang pasan ng pamilyang nagluluksa sa pagkamatay ng isang menor de edad na kaanak sa Abo-abo, Sofronio Española, Palawan dahil sa pananalasa ng Bagyong Maring nitong Lunes.
Sa isang Facebook post, ipinakita ni Sheryl Suico Tagyam, tiyahin ng namayapa, ang sitwasyon ng lamay sa pamamagitan ng isang bidyo kung saan nakunan ang pagragasa at pagtaas ng tubig bahang pumasok na rin sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan.
Sa parehong bidyo, ipinakita ni Tagyam ang loob ng kanilang tahanan kabilang na ang kabaong na kanilang isinabit na lamang sa kisame sa pamamagitan ng tali upang hindi ito maabot ng baha.
“Tuluy-tuloy pa kasi yung ulan… lampas tao na sa ‘tin ‘yan (baha) kapag nagbaba tayo”, ani Tagyam.
Mapapansin din sa bidyo na bahagyang mas mataas ang puwesto ng kanilang tahanan kumpara sa ibang mga bahay na nakapalibot dito ngunit umabot pa rin sa tuhod ang lebel ng baha sa loob ng kanilang bahay kaya kung sila’y lalabas sa kalsada, hanggang dibdib na rin ang tubig.
“Kawawa naman ang ate Francine namin, inabot ng baha… itinaas na lang po namin siya para hindi po siya maabot,” dagdag ni Tagyam.
"Malakas ang ulan noong mga alas-4 pa lang ng madaling araw, so pinapakiramdaman na namin kasi ang lakas na sobra nang buhos. Mga alas sais, alas siete - alas otso ng umaga, nagpa-panic na po kami kasi ang lakas na ng pasok ng tubig,” kuwento ng netizen sa isang panayam sa Bandera News TV Philippines.
Dagdag pa ni Tagyam, limang minuto lamang ang lumipas at pumasok na rin agad ang tubig baha sa kanilang tahanan.
“So ang ginawa po namin, inisip namin baka mabuwal siya sa stand niya tapos... hindi na po kasi mailalabas (ang kabaong) kasi hanggang balikat na yung baha po. Ang naisip na lang po namin, isabit na lang po siya sa kisame nga po para hindi po siya maabot,” dagdag ni Tagyam.
Ayon din kay Tagyam, galing ang tubig baha mula sa ilog na umapaw malapit sa kanilang lugar.
Sa ngayon, ibinaba na nila ang kabaong dahil humupa na ng bahagya ang baha sa kanilang lugar ngunit nanatiling nakabantay ang pamilya sa lamay kung sakaling umulan at bumaha muli.
Nakatakda namang ilibing ang yumaong kaanak ni Tagyam sa Huwebes.
Base sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), nasa ilalim din ng yellow rainfall warning ang ilang parte ng Palawan kabilang na ang Sofronio Española bunsod ng Bagyong Maring na inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas, Oktubre 13.
Mga sanggunian: Sheryl Suico Tagyam Facebook, Bandera News PH