Ni Axell Swen Lumiguen

PHOTO: PBA Photos

Sa bisa ng buzzer-beating putback layup ni Marcio Lassiter, ay naitakas ng San Miguel Beermen ang 98-96 panalo kontra sa Talk n' Text Tropang Giga para itabla sa 1-1 ang kanilang serye, habang abante na sa 2-0 lead ang Magnolia Pambansang Manok matapos kuryentehin ang Meralco Bolts, 92-78, sa magkahiwalay na Game 2 ng semifinals ng PBA Philippine Cup, DHVSU Gym, Bacolor, kanina. 

Sa unang laro, tampok ang 96-all anim na segundo na lang ang natitira, napigilan ng TNT ang tirada nina June Mar Fajardo at Arwind Santos sa end play, ngunit napabayaan nila sa offensive rebound si Lassiter sa huling segundo para ibuslo ang game-winning layup. 

Nanguna sa opensa ng Beermen si Terrence Romeo na nagbuhos ng game-high 26 puntos, kung saan 15 rito ay binuno niya sa huling kanto para tulungan ang SMB burahin ang 19-point lead na hawak ng TNT sa third period. 

Nagbuslo ng 22 puntos si Fajardo, habang ang clutchman nilang si Alex Cabagnot ay may 14 markers para sa fourth seed SMB. 

Samantala, bumida para sa top seed Tropang Giga si RR Pogoy na tumipa ng 21 puntos, habang may 20 at 14 puntos sa losing effort sina Poy Erram at Troy Rosario. 

PHOTO: PBA Photos

Pumasok sa ikaapat na kanto ang TNT dala ang 82-67 advantage, pero maagap itong binura ng opensa ni Romeo at kalaunan ay kinubra ang panalo sa bisa ng winning moment ni Lassiter. 

Sa kabilang banda, sumargo ng 28 puntos at 3 assists si Paul Lee para dalhin ang Magnolia sa liyamadong panalo nito kontra sa Bolts. 

"It's not about me, Calvin, Ian, Mark; it's about us. Yung team na ito, dini-dedicate nila sa bawat isa para makuha yung panalo every game," saad ni Lee sa panalo ng koponan. 

Nagdagdag ng double-doubes sina Ian Sangalang (16 points, 10 rebounds) at Calvin Abueva (11 points, 11 rebounds) para sa Mags. 

Sa kabilang banda, naging malaking dagok para sa Bolts ang pagkawala ng big men nilang sina Cliff Hodge, na napituhan ng tig-isang technical at flagrant fouls; at Raymond Almazan, dulot ng left ankle injury. 

Naglista ng 18 points, 7 assists at 4 boards si Chris Newsome, habang may tig-12 marka sina Reynel Hugnatan at Nard Pinto para sa injury-barred Bolts. 

Magsasalpukan muli ang apat na koponan sa Biyernes, Oktubre 3, para sa Game 3 ng kani-kanilang serye.