Ni Axell Lumiguen

PHOTO: SPIN PH

Isang panalo na lang ay makakabalik na sa Finals ng PBA Philippine Cup ang Magnolia Pambansang Manok matapos itulak sa 3-1 ang serye nila kontra Meralco Bolts tampok ang 81-69 Game 4 win, DHVSU Gym, Bacolor, Pampanga kahapon. 

Sumandal ang Mags sa efficient night ni Mark Barroca na puminta ng 17 puntos, 6/11 shooting at 6 assists, habang may double-doubles na binalandra sina Calvin Abueva (17 points, 11 rebounds) at Ian Sangalang (17 points, 12 rebounds). 

Sa umpisa ng laban ay tila balanse pa ang atake ng parehong koponan hanggang sa tuluyan nang kumawala ang Magnolia sa bisa ng mahigpit na depensa nito para tapusin ang first half hawak ang 46-35 kalamangan. 

Mula rito ay hindi na lumingon pa ang koponan ni coach Chito Victolero at inalagaan na ang double-digit na bentahe kontra sa Raymond Almazan-less na Meralco hanggang sa matapos ang lato. 

Nanguna sa losing effort ng Meralco si veteran Reynel Hugnatan na humugot ng 21 puntos, habang may 13 at 11 na idinagdag sina Cliff Hodge at Chris Newsome. 

Sa ikalawang laro naman, sumargo ng sariling 116-90 dominant Game 4 win ang San Miguel Beermen para itabla sa 2-all ang serye nila kontra sa top-seed Talk n' Text Tropang Giga, sa parehong lugar at araw. 

Hawak ang 57-32 lead sa pagtatapos ng first half, ay siniguro ng SMB na hindi na lumingon pa sa TNT at pinangalagaan ang malaking abante nito hanggang endgame. 

Pinangunahan ni 6'7" Moala Tautuaa ang Beermen kalakip ang 25 puntos, kung saan 19 dito ay mula sa first half, at 9 rebounds, tampok rin ang efficient 7-of-9 field goals nito. Nagdagdag si June Mar Fajardo ng 13 points at 12 boards. 

Kabilang si Tautuaa at Fajardo sa pitong SMB players na nakadouble-digit scoring. Umasinta si Terrence Romeo ng 16 puntos, 13 puntos mula kay Marcio Lassiter, 12 mula kay Alex Cabagnot, Arwind Santos na may 11, at CJ Perez na tumiklo ng 10 puntos. 

Sa kabilang panig, nanguna sa opensa ng Tropang Giga si Jayson Castro na may 15 puntos, habang may 13 puntos si Glenn Khobuntin. 

Magsasalpukan muli ang apat na koponan para sa Game 5 ng kanilang mga serye bukas.