Mga ayaw magpabakuna, akyatin sa bahay at turukan habang tulog — Duterte
Ni Monica Chloe Condrillon
PHOTO: PCOO |
Nagbanta muli si Pangulong Rodrigo Duterte na ipahanap sa mga otoridad para akyatin ang bahay at turukan habang natutulog ang mga nag-aalinlangang magpabakuna para sa COVID-19, na hindi naman talaga mandatory.
“Alam kong marami pang ayaw. ‘Yan ang problem, ‘yung ayaw magpabakuna. Kaya hanapin ninyo ‘yan sa barangay ninyo. Akyatin natin pagtulog at turukin natin habang natutulog para makumpleto ang istorya,” wika ni Duterte sa kanyang Talk to the People.
Nagboluntaryo pa ang pangulo na siya mismo ang magtuturok sa mga ‘antivaxxers’.
“Kung ayaw, akyatin sa bahay, tusukin sa gabi. Ako ang mag-ano [turok sa kanila], I will lead the journey,” dagdag ni Duterte na kilala na sa kanyang mga biro sa mga seryosong sitwasyon ng bansa.
Magugunita na hindi naman pinipilit ng Department of Health ang pagpapabakuna, at dapat may consent ito ng babakunahan.
Naglabas naman ng pahayag ang kaniyang spokesperson, Harry Roque, na ito ay isa lamang sa mga biro umano ng pangulo.
“Mahahaba ‘yung mga meetings na ‘yun. Para hindi kami makatulog, kailangan naman may konting joke,” ani Roque.
Inako rin ng pangulo ang sisi sa kakulangan ng bakuna sa mga naunang buwan ng taon na siyang nagpahuli sa bansa sa paglunsad ng COViD19 Vaccination sa Southeast Asia dahil ani niya, nahirapan siyang humanap ng kompanya na magbebenta sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 23.7 million o 30.8 percent ng populasyon na ang nababakunahan galing sa 77 million target na bilang.
Mga sanggunian: CNN Philippines, Philippine Daily Inquirer