Ni Charmaine Delos Santos

PHOTO: ONE News

Napagpasyahan ng Commission on Elections sa pamamagitan ng unanimous decision na palawigin ang voter registration matapos manawagan ang mga Pilipino na iatras ang deadline nito sapagkat hindi naging sapat ang naibigay na araw para makapagparehistro dahil na rin sa pangamba ng marami na baka mahawaan sila ng COVID-19.

Sa isang zoom meeting, ipinahayag ni DIR. James Jimenez, ang tagapagsalita ng Comelec, na papalawigin ang voter registration mula Oktubre 11 hanggang Oktubre 30, 2021 para sa mga Pilipino na nasa loob ng bansa. Ngunit, matitigil muna ng walong araw ang pagpapasa ng Certificate of Candidacy (COC) dahil magkakaproblema kung maisasabay ito sa pagpapalawak ng rehistrasyon.

“Medyo namumuro siguro [ang extension]. Ang sense ng mga commissioners natin at ng mga opisyal ng Comelec, kailangan pagbigyan 'yong clamor ng taumbayan... So there’s reason to be optimistic," ani Jimenez. 

Ayon kay Jimenez, marami ang pumalag sa pagpapalawig ng voter registration dahil nakakaapekto na ito sa mga gawain sa Comelec. Subalit, sa huli ay napagpasyahan nila na palawigin ang voter registration para sa ikabubuti ng mga taong kailangan pa ng extension.

“By considering voter registration at this late date, the Comelec is effectively playing with fire,” saad ni Jimenez sa isang press briefing.

“We're open to this now because of the public clamor. Marami na tayong naririnig na reklamo ng publiko," pahayag ni Jimenez.

Sa kabilang dako, inamin ng Comelec na kahit nakakaapekto ang pagpapalawig ng voter registration ay gagawin pa rin nila ang lahat upang maserbisyuhan ang sambayanang Pilipino. 


Mga sanggunian ng ulat: ABS-CBN News, ABS-CBN, ANC