Rebisco umeskapo sa CEB, ika-siyam na pwesto sa Asian Men’s Club sinelyuhan
Ni Ryann Yap
PHOTO: Trending PH |
Solidong mga palo ang naging sandigan ng Rebisco Philippines upang mapangalagaan ang karampot na lamang sa pasobrang set tungong tagumpay.
Natapos man ang biyahe sa torneyo, nag-iwan naman ng isang 3-2, 5th set dikdikang panalo ang koponan ng ‘Pinas buhat ng pangunguna ni Joshua Umandal na nagtala ng 28 puntos, sa ginanap na 2021 Asian Men’s Club Volleyball Championship, kontra CEB Sports Club ng Sri Lanka, sa Nakhon Ratchasima, Thailand, kahapon.
Sa pagbubukas ng huling set, madalas na naging tabla lamang ang tala ng dalawang panig ngunit bumitaw ng isang konkretong palo si Umandal upang makabuo sila ng dalawang puntos na abante, 8-6, at kanila itong napanatili para magresulta na nga sa 25-14, 22-25, 25-18, 21-25, 15-11 na panalo para sa Rebisco.
Liban kay Umandal, naglista naman ng tig-11 puntos sila John Vic De Guzman at Nico Almendras, samantalang may tig-10 rin sila Kim Malabunga at Francis Saura sapat upang kubrahin ang ika-siyam sa pwesto sa liga.
Naging susing pormula rin ng Rebisco ang kanilang 19 blocks, na 10 lamang kung ikukumpara sa CEB, gayundin ang 28 errors na naipwersa ng ‘Pinas sa kabuuan ng laro na talagang nagbigay sa kanila ng tiyak na kalamangan.
Pumalag naman ang CEB sa ika-apat na yugto matapos makabuo ng momentum sa kalagitnaan ng set, gawa ng 7-3 run sa liderato ni Sanka Kalu para makamit ang set point, 24-18.
Pilit pa ring humabol ng Rebisco sa parehong set mula sa service ace ni John Bugaoan, pati na ang isang error mula sa katunggali upang maputol ang hinahabol sa tatlong puntos, 21-24, subalit tinuldukan na ng CEB ang yugto at makahirit pa ng ikalimang set.
Nagposte si Sanka ng 18 puntos, mula sa 17 attacks at isang ace, na sinuportahan naman Vidura Prabath Perera na mayroong 17 markers para sa Sri Lanka, pero ito hindi naging sapat upang pumabor sa kanila ang kinalabasan ng laban.
Ipinamalas ng Rebisco ang kanilang matinding depensa sa ikatlong set upang mapamaga ang kalamangan para makauna sa technical timeout, 16-8, at mapanatili ang mainit na ratsada hanggang sa dulo ng nasabing yugto, 25-18.
Tila lumamya naman ang tempo ng ‘Pinas sa ikalawang set na agad sinamantala ang CEB para pumabrika ng abante, bandang 16-14, na nagpatuloy na upang masikwat ang 25-22 panalo sa pagpasok ng susunod na yugto.
Pinaramdam kaagad ng Rebisco ang pagiging mas angat nila sa depensa sa pagbubukas pa lamang ng tunggalian, makaraang maglatag sila ng tatlong magkakasunod na blocks sa pangunguna ni Malabunga, pati na pagpapaulan ng palo nila Umandal at Mark Alfafara dahilan para sungkitin ang buena manong set score, 25-14.