Ni Alyssa Damole

PHOTO: Pinoy Thaiyo

Kasabay ng pagtugon ng bansa sa COVID-19 pandemic, tuluyan nang lumobo ang outstanding debt ng pamahalaan matapos nitong umabot sa P11.64 trilyon sa pagtatapos ng buwan ng Agosto 2021 - pinakamataas sa ating kasaysayan, ayon sa Bureau of Treasury (BTr) sa isang pahayag nitong Setyembre 30.

Base sa kanilang naitalang datos, nahigitan nito ang nakaraang record-high P11.61 trilyon noong Hulyo na ginamit din upang tumugon sa pangangailangan ng masa kontra COVID-19.

"For August, the [National Government's] total debt increased by P32.05 billion or 0.28% due to domestic debt issuance as part of government financing," ani BTr.

Mula sa halos P12 trilyong utang, isinaad pa ng nasabing ahensya na 29.4% nito ay inilaan para sa external debt habang 70.6% naman ang para sa domestic borrowings.

Kung ikukumpara, mas malaki ng 1.2% ang utang panloob ng bansa na umabot sa P8.22 trilyon kaysa sa P3.42 trilyong utang panlabas noong pagtatapos ng Hulyo 2021 nang dahil sa "net issuance" ng gobyerno.

Dagdag pa rito, naging malaki rin ang epekto ng local at third currency fluctuations sa dolyar na siyang naging dahilan sa pagbaba ng halaga ng piso.

Nauna nang sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez na inaasahan pang magkaroon ng karagdagang P3 trilyong utang ang bansa ngayong taon at P2.25 trilyon naman sa susunod na taon.

Ginagamit ng pamahalaan ang utang na ito upang patuloy na pondohan ang laban kontra COVID-19 ng bansa, na siyang sinusuportahan ng Asian Development Bank, World Bank, at Asian Infrastructure and Investment Bank.


Sanggunian ng ulat: ABS-CBN News