Ni Mark Jay Abante

PHOTO: PBA PHOTOS

Sinigurado ng Magnolia Pambansang Manok Hotshots ang ‘first blood’ sa serye matapos umeskapo sa endgame at isalba ang 88-79 panalo laban sa Meralco Bolts, habang kinarga ni RR Pogoy ang TNT KaTropa sa 89-88 victory kontra sa San Miguel Beermen sa unang salpukan sa semifinals ng PBA Philippine Cup na ginanap sa DHVSU Gym, Bacolor, Pampanga, Linggo, Oktubre 3.

Sa kabila ng limang fouls na iniinda, nakapagdeliber pa rin si Calvin Abueva ng 13 markers, pitong assists, at dalawang steals sapat para makaalagwa ang Hotshots sa kamay ng Bolts sa huling quarter ng laro.

Nagpakawala ng 20-3 clutch burst ang kampo ng Magnolia, pitong puntos ang nanggaling kay Abueva para makabangon mula sa 63-69 na pagkakabaon at bawiin ang adbantahe, 83-72 nang may dalawang minuto at 47 segundo pang nalalabi sa sagupaan.

“Even though we were up, we kept on pressuring the ball because they can come back. ‘Yun lang ang gusto namin. We want to finish the game hard,” saad ni Magnolia coach, Chito Victolero.

Bumak-ap din ng kabuuang 35 puntos ang tamabalang Ian Sanggalang at Paul Lee para sa Hotshots habang kinapos naman ang 14 puntos na ibinuhos ni Bong Quinto at ang kambal na 11 na isinumite ni Mac Belo at Anjo Caram para sa kanilang koponan.

Samantala, inirehistro ni RR Pogoy ang conference-high na 23 points kasama ang crucial basket na iniambag sa KaTropa sa last two minutes ng engkwentro.

Itinulak ng former FEU standout, Pogoy sa 89-84 ang iskor nang mapasabitan sa isang and-one play ang beteranong guwardiya ng SMB na si Chris Ross bago maisalpak ni CJ Perez ang isang short stab shot, isang minuto at 30 segundo pang natitira sa ball game.

Nabuhay pa ang tyansa ng Beermen na masilat ang laro nang sumablay ang tres na ipinukol ni Pogoy, subalit inaalat ang game-winning lay-up na ikinasa ni Marcio Lassiter bago tuluyang tumunog ang buzzer.

Kumamkam naman si Jayson Castro ng 16 puntos, tig-anim na boards at assists na tumulong sa mainit na third quarter performance ni Pogoy para maibandera ang 71-60 papasok ng final period ng duwelo.

Nagtarak naman si Junemar Fajardo ng 13 markers at 11 rebounds habang rumatsada ng 23 puntos si Perez sa kaniyang kauna-unahang semis game, ngunit minalas pa rin ang kaniyang team na mareplika ang panalo sa TNT noong elimination round ng liga.

Kaugnay nito, muling maghaharap second game ng semis match-up ang Magnolia at Meralco sa Oktubre 6, Miyerkules, habang tatangkain naman ng Beermen na maitabla ang series sa 1-1 kontra TNT sa kaparehong araw at venue ng pinaglalaruan.