Ni Christian Vidad

PHOTO: PBA

Bigo mang sungkitin ang titulong Best Player of the Conference (BPC) , hindi pa rin napanghinaan ng loob ang rookie na Mikey Williams nang buhatin ang kanyang tropa.

Muling nagpakitang gilas si Williams nang humakot ng 26 points kasama ang seven assists sa ika-30 kaarawan, sapat para pangunahan ang TNT Tropang Giga na sungkitin ang 106-89 panalo kontra Magnolia Hotshots at ilatag ang 3-1 series advantage sa best-of-seven PBA Philippine Cup Finals sa DHVSU Gym, Bacolor, Pampanga, kagabi. 

Mula sa career-high 39-point blowout performance sa Game 3-loss, patuloy na nag-init ang kamay ng 1st runner up sa Best player race na Williams nang magpaulan ng anim na tres, dahilan upang isang panalo na lang ang namamagitan sa TNT at mithiing makaupo sa trono makalipas ang anim na taon. 
Kasanib puwersa niya ang iniambag na 13 puntos ng Best Player of the Game na Ryan Reyes, kung saan 10 dito kasama ang apat na steals ang idiniliber sa 2nd quarter lamang. 

Sa kabilang banda, uuwing luhaan pa rin ang newly crowned BPC na Calvin Abueva nang kapusin ang itinakadang 28 markers, six rebounds, at two steals katuwang ang iniratsadang 17 points, 10 boards, at 3 steals ni Ian Sangalang para sa Hotshots. 

Dikdikang bakbakan pa ang nasilayan hanggang pasimula ng ikalawang yugto, 29-31, bago pumakyaw ng 26-10 run ng TNT sa bisa ng mga layups at isang tres ni Reyes, hudyat para tapusin ang first half tangan ang 57-39 bentahe. 

Pinalobo pa nila ang deficit ng 25, pinakamalaki sa buong 48-minutes na girian bida ang beyond the arc shot ni Williams sa 8:44 mark, 68-43.

Natapyasan pa hanggang 14 ng Hotshots ang kalamangan ng kabilang koponan salamat sa iniragasang 10 puntos ni Marc Barroca sa huling kanto, 83-97, subalit hindi na ito sumapat nang ibinuslo na ni Williams ang apat na three- point shots sa huling dalawang minuto at selyuhan ang tagumpay sa Game 4. 

Bagama’t nag-ambag lamang ng limang puntos sa 19-minutes playing time, malaking susi pa rin naman ang ipinamalas na pusong palaban ni Troy Rosario sa kabila ng iniindang finger injury na natamo last game, na siyang bumuhay sa diwa ng kanyang mga kagrupo. 

“He really shouldn’t be playing, the only reason why we played him was really for inspirational purposes,” pahayag ng Tropang Giga Head coach Chot Reyes “I thought him being there, the message of courage was going to rub off on his teammates. Great heart shown by Troy and I think everyone followed.”

Target ngayong tuluyang mapingwit ng TNT ang kampeonato sa Game 5 bukas habang susubukang makapuwersa ng reverse sweep ng Magnolia upang maiuwi ang 1st ever title sa conference simula 2009-2010.