Ni Lynxter Gybriel Leaño

PHOTO: ABS-CBN News

Klinaro ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya kinokontrol ni Sen. Bong Go hinggil sa kanyang mga desisyon at idiniing chairperson lamang sa Senate Committee on Health and Demography ang senador kaya kailangan niya ang kanyang presensya araw-araw.

“He is here to do his duty so that I have somebody to ask [questions about health]. He handles health. So it’s good that he’s here,” sabi pa ni Duterte sa kanyang taped weekly address noong Nobyembre 15.

Naging maugong ang mga espekulasyong ito matapos isiwalat ni retired Army officer Lt. Gen. Antonio Parlade na isa ring kandidato sa pagkapangulo na iniimpluwensiyahan umano ni Go ang mga desisyon ng pangulo para sa Pilipinas at idinagdag ding parte ng problema sa Pilipinas ang naturang senador.

“Wala akong rift kay Senator Bong Go. I don’t like the way he does things, including controlling the decisions of the president,” giit pa ni Parlade.

Nang tanungin ulit ang retiradong sundalo sa kung anong senaryo kinokontrol ang pangulo, diin niyang marami na raw  pagkakataon ngunit hindi niya na lang ito ipapaliwanag pa at sinabing tanungin na lang ang kalihim ng National Defense.

“Okay, that’s okay. That’s his prerogative, kung yun ang feeling niya,” tugon naman ni Parlade hinggil sa nararamdaman ng pangulo na hindi siya kinokontrol.

Nauna namang itinanggi ni Sen. Bong Go, na ngayon ay tumatakbo sa pagkapangulo, ang paratang ni Parlade at iginiit na tumutulong lamang siya sa pagpapaimplementa ng mga desisyon ng pangulo bilang “long-time aide” nito sa trabaho.