Ni Zamantha Pacariem

PHOTO: PCOO

 Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang virtual interview noong Linggo na hindi niya maaaring suportahan sa pagtakbo sina dating Senador Ferdinand Marcos Jr. at Senador Emmanuel Pacquiao, at si Senator Christopher Lawrence ‘Bong’ Go lamang ang kaniyang kandidato. 

Isisiwalat umano nito ang dahilan kung bakit hindi nito sinusuportahan ang dalawang kandidato sa lalong madaling panahon.

 “I’m just asking for a few more hours at masasabi ko na kung ano ang talagang totoo. Sa kampanya sabihin ko bakit hindi ako pwedeng magsuporta kay Marcos. Ganoon din kay Pacquiao at sa iba” ani nito.

Giit ni Duterte, hindi siya kailanman nagpahayag ng suporta sa sinumang kandidato maliban kay Go. 

“Kailanman hindi ako nagsalita na may susuportahan ako– si Marcos o si Pacquiao. Wala ‘yan sila. Kinakausap ko lang for respeto, eh gusto akong makausap” ani ni Duterte. 

Dagdag pa niya, si Go lamang ang kanyang sinusuportahan sapagkat alam umano nito ang kakayanan ng senador at ang taglay na katapatan nito. 

“Alam ko sa taon na nagserbisyo sa akin, alam ko isang ano is talagang honest. Wala ka talagang makita tsaka masilip”.

Ayon kay Duterte, siya umano ang nagtulak kay Go na tumakbo sa pagkapangulo nang makita nito ang senador na umiiyak sa harap ng publiko matapos mag-withdraw ng reelection candidacy si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio. 

“Sabi ko, ‘Bakit ka mag-iyak, karaming posisyon? Pareho lang din ng pagod ‘yan. Ayan oh, presidente. Baka pala maawa ang Diyos sa iyo. ‘Di, tumakbo ka ng presidente” ani Duterte.

Samantala, pinabulaanan naman ng pangulo ang sabi-sabing minamanipula lamang siya ni Go para sa kanyang benepisyo.

Aniya, hindi siya papayag na madiktahan ng ‘isa lang kasama sa trabaho’, sa halip ay siya umano ang magsasabi kung ano ang susunod na gagawin ni Go.                                               


Sanggunian ng ulat: Manila Bulletin