Employers na 'di bet mga unvaxxed, oks lang sa Pangulo
Ni Kier James Hernandez
PHOTO: PCOO |
Upang maprotektahan ang negosyo at mga manggagawa, binibigyang karapatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga employers na tanggihan ang mga aplikanteng hindi pa bakunado.
Ito ang naging tindig ni Pangulong Duterte sa talakayan tungkol sa disinsentibo sa mga hindi pa nabakukunahan laban sa COVID-19 sa kabila ng mas pinabuting suplay ng bakuna.
“You have the right to refuse or to accept as an employee somebody who is not vaccinated and will go and join the rest of employees and the factory or the place or whatever you have as your business [then] this guy would start to contaminate everybody,” giit ng Pangulo sa kaniyang Talk to the People.
"Second is that you are protecting your employees," dagdag pa niya.
Kaugnay nito, pabor si Vaccine czar at National Task Force Against COVID-19 (NTF) chief implementer Carlito Galvez sa mandatoryo o sapilitang pagbabakuna.
Nauna nang sinabi ng tagapagsalita ng NTF Against COVID-19 na si Restituto Padilla Jr. na tinatalakay na ng gobyerno kung paano nito maipatutupad ang mandatory vaccination para umano lalo pang tumaas ang coverage rate.
Iwinika pa ni Padilla na ang batayan ng mandatory vaccination ay ang mga istatistika na nagpapakitang karamihan sa malulubha o kritikal na kaso ng naturang sakit ay ang mga hindi pa nababakunahan.
Matatandaang nauna na ring sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na tinitingnan nila kung paano ito magpapatupad ng patakarang "no vaccine, no subsidy" na polisiya para sa mga hindi nababakunahang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa kabilang banda, ayon pa sa gobyerno, 29,809,085 indibidwal o 38.64% ng 77 milyong target na populasyon ang ganap nang nabakunahan laban sa virus noong Nobyembre 8.
Sanggunian ng ulat: GMA News