Ni Daniel Enrico P. Chua

PHOTO: Rappler
Aprubado na ng Department of Transportation (DOTr) ang paghahandog ng limitadong libreng sakay ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) para sa mga pasahero ngayong Huwebes, bilang paggunita ng ika-125 anibersaryo ng kabayanihan ni Dr. Jose Rizal.

"May handog na libreng sakay ang pamunuan ng MRT-3 sa mga pasahero nito sa darating na Rizal Day, ika-30 ng Disyembre 2021, mula 7:00 AM hanggang 9:00 AM, at mula 5:00 PM hanggang 7:00 PM," ayon sa DOTr-MRT-3 nitong Martes.



Sa ilalim ng Light Rail Transit Authority, sinundan naman ng LRT-2 ang iskedyul ng libreng sakay, ngunit ito’y nagbigay lamang ng maikling panahon, sa pagitan ng 7 AM hanggang 9 AM.

Mahigpit ding ipatutupad ng pamunuan ang pagsusuot ng facemasks pati na rin ang boluntaryong pagsusuot ng faceshield. 

"Upang mapanatiling ligtas ang biyahe ng mga pasahero, mahigpit pa ring ipinatutupad ang COVID-19 health and safety protocols sa buong linya, gaya ng pagbabawal kumain, uminom, makipag-usap sa telepono, at magsalita sa loob ng mga tren," ayon pa sa mga awtoridad.



Samantala, hanggang ngayon nama'y wala pang nababalitaang inisyatibo mula sa LRT-1 at Philippine National Railways tungkol sa paghahain ng libreng sakay.

Gayunpaman, patuloy pa rin ang pag serbisyo ng LRT-1 sa Rizal Day kasabay sa pagsunod sa kanilang "regular weekends/holiday schedule."

Dagdag pa ng Light Rail Manila Corporation, aalis ang unang tren ng MRT-3 bandang 4:40 AM mula North Avenue Station at 5:26 PM naman mula sa Taft Avenue Station.

Samantala, ang huling tren naman ay aalis mula North Avenue Station ng 9:30 ng gabi, habang 10:16 ng gabi naman mula sa Taft Avenue Station.