Pari, nag-viral matapos mag-homiliya sa kasal ng kaniyang ex
Ni Irene Mae Castillo
PHOTO: Parish of Sto. Niño de Lipa |
Kalat ngayon sa social media ang vlog ng isang pari patungkol sa kaniyang naging homily sa mismong kasal ng kaniyang dating kasintahan.
Ginanap ang kasalan sa Parish of Santo Niño de Lipa, kung saan ay naka-livestream rin ito sa opisyal na Facebook page ng simbahan.
Kabilang sa 'deleted' vlog ni Fr. Roniel Sulit sa kaniyang YouTube channel na Fr. Roniel El Haciendero ang on-the-spot niyang pag-amin sa naging relasyon nila ng bride na pinangalanang Korina. Aniya, ito mismo ang nagmungkahi sa kaniya na i-vlog ang kasal nito sa kasintahang pinangalanang Manuel, nang sa gayon mayroon na siyang mai-content sa kaniyang channel.
"Ang dami ko na hong ikinasal, pero [ngayon] ako’y nanginginig at pawis na pawis na," ani Sulit. "Si Korina ho ay aking ex... Okay. Itigil ang kasal! Hindi po ako sisigaw ng ganun,"
Biro pa ng pari, kinakabahan umano si Korina kung ano ang kaniyang gagawin sa mismong seremonya.
"Kung makikita niyo ang mukha niya sa monitor, 'yan ay kinakabahan. Kinakabahan siya hindi sa kasal niya, kundi baka kung ano ang aking sabihin sa homily at bigla pa ngang walang magkakasal kanina kaya kabado siya."
Idagdag pa rito, nabanggit din sa vlog na sa simbahan sila unang nagkakilala dahil pareho silang naglilingkod noon.
"Si Korina ay matagal na naglilingkod sa simbahan, kaya nga kami nagkakilala. Pero wala na yon, si Manuel ang kanyang pakakasalan sa araw na ito."
Dagdag pa niya, 'past is past' at masaya na silang pareho sa naging direksyon ng kani-kanilang buhay.
Bago matapos ang kaniyang homiliya, hiniling niya ang kasiyahan nina Korina at Manuel, at nawa umano ay maging sentro ng kanilang relasyon ang Panginoon.
"Ang aking hiling ay sana magkaroon kayo ng maayos at masayang pamilya. Sabi nila 'pag kinakasal ang mag-asawa hindi lang dalawa ang kinakasal, tatlo. Hindi ako 'yon, ang Diyos 'yon. Kasama ang Diyos sa inyong kasalan."