T1 League: Heading pumukol ng walong tres, pinainit ang Suns kontra Leopard
By Jonheethan Ken M. Bajo
PHOTO: focustaiwan.tw |
Binigyang ningas ng produktong Gilas Pilipinas guard na si Jordan Heading ang mainit na opensiba ng Taichung Wagor Suns upang lampasan ang bangis ng Taoyuan Leopards sa dikdikang 119-115 panalo nitong Linggo sa T1 League sa Chung Yuan Christian University gymnasium.
Kumulekta ng 32 puntos si Heading sa mabisang 8-for-14 tirada sa tres, habang tumantos rin ng 10 rebounds, six assists, two steals, at two blocks upang suportahan ang Suns sa ikalawang sunod na panalo nito kontra Leopards. Pumukol ang tubong-Adelaide, Australia na si Heading ng isang tres na sumelyo ng paniguradong panalo buhat nang ilagay sa kumportableng 113-106 bentahe ang koponan, 53.0 segundong nalalabi. Nagsilbing core naman ng Suns si Palestinian star Sani Sakakini na pinangunahan ang koponan sa isang double-double performance -- 35 puntos, 12 rebounds at pinaganda pa ng swabeng pulso sa charity stripe na may 12-for-13 shooting, upang iangat ang Suns sa 4-5 win-loss record. Sa kabila ng magandang pinakita ng dalawa, produktibo rin ang supporting casts ng Suns na sina Ting Sheng-ju na kumarga ng 22 points, seven assists, at six rebounds, at Su Yi-chin na may 11 points, seven boards, at five dimes. Lalo pang pinalakas ni Chen Ching-huan ang second unit ng koponan bunga ng kanyang 10 points tangan ang 6-of-7 shooting sa free throw line. |