BBM: Pagsasara ng Bataan Nuclear Power Plant pinulitika
Ni Xhiela Mie Cruz
PHOTO: BNPP Facebook Page via Vera Files |
Nanindigan si presidential aspirant Bongbong Marcos na politika umano ang tunay na dahilan ng tuluyang pagsasara ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na umani naman ng posibilidad na muling ipagpatuloy ang operasyon nito.
Nabanggit ni Marcos sa panayam ng DZRH, na dapat pagtuunan ng pansin ang sitwasyon ng bansa pagdating sa mga isyu sa enerhiya sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa mga maaaring pagkukunan nito.
Sa pahayag nito, nasabing naipasara ang BNPP "not because of any scientific reason”.
Aniya, napapansin niya rin naman ang mga ganitong isyu na kinakaharap ng bansa lalo na hindi isang maliit na bagay lamang ito kundi malaking ambag sa Pilipinas ang mga ganitong usapin.
"We really have to look at nuclear power. Wag natin i-politika [Let's not politicize it]. Once again, follow the science," pahayag ni Marcos.
Dagdag pa rito, matatandaang naitayo ang BNPP sa ilalim ng administrasyong Marcos noong mga panahong namumuno ang ama ng kasalukuyang presidential aspirant.
Ayon pa sa nakalap na datos, ang BNPP ang kauna-unahang nuclear power plant ng bansa na nagkakahalaga ng $2.2-bilyon na ipinasara naman ng dating pangulong Corazon Aquino dahil umano sa korapsyon at pangamba dahil sa kasagsagan ng isyu noon ng Chernobyl nuclear fallout sa Russia.
"Kaya't baka naman mapakinabangan pa natin 'yan," Marcos said. "Kung hindi, then maybe magtayo tayo ng iba," dagdag pa nito.
Samantala, matatandaan namang nagbaba ng executive order si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2020 na naglalayong alamin kung ano ang maaaring gawin sa BNPP upang mapakinabangan pa rin ito.
Sa kabilang banda, isinaad ni Russian Ambassador Igor Khovaev na malabo na umano ang muling pagbabalik-operasyon ng BNPP dahil sa "absolutely outdated" na ang mga teknolohiyang ginagamit nito.