Ni Irene Mae Castillo

PHOTO: Twitter

Pinatawan ng preventive suspension ng Korte Suprema ang abogado at senatorial aspirant na si Lorenzo "Larry" Gadon matapos kumalat ang video nito ng pagbibitiw ng masasamang salita sa mamamahayag na si Raissa Robles noong ika-15 ng Disyembre, 2021.


Kaugnay nito, binigyan din si Gadon ng Korte ng 10 araw upang ipaliwanag kung bakit hindi ito dapat patawan ng disbarment, gayundin, inutusan ng Kataas-taasang Hukuman ang Office of the Bar Confidant na magsumite ng listahan ng mga nakabinbing admistratibong kaso laban sa nasabing abogado.

Matatandaan na nag-ugat ang isyu sa umano'y pag-akusa ni Robles kay presidential candidate Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na 'tax-evader', na siya namang agad na binweltahan ni Gadon sa pamamagitan ng pagpapahayag ng bulgar at mapanirang mga salita sa isang video post.

Sa kabilang banda, kinukuwestiyon ni Gadon ang desisyong ito ng Supreme Court at sinabing maaring 'politically motivated' ang nasabing hakbang dahil umano sa pahayag niya ukol sa paghingi ng refund sa protest fee ni Bongbong Marcos kamakailan, at dahil na rin sa tumatakbo siya sa pagkasenador.

"For an institution that prides itself for safeguarding due process of laws, I am confused that the Supreme Court immediately suspended me without due process and my suspension was announced in the media without furnishing me first with a copy of the complaint, if there is any," pahayag ng abogado.

Samantala, hindi ito ang unang beses na napatawan ng parusa ang naturang abogado. Matatandaan na noong 2019, sinuspinde rin siya ng Korte matapos magbitiw ng mga hindi kaaya-ayang pahayag. 

Gayundin, nakatanggap na rin si Gadon ng disbarment complaint matapos nitong ipahayag na HIV umano ang dahilan ng pagpanaw ni dating Pangulong Benigno Aquino III, at minsan na rin siyang naging usap-usapan matapos naman nitong sabihan ng masamang salita ang mga tagasuporta ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.