Kennard tinimon ang Clippers via late-game surge; 35-point margin binura kontra Wizards
Ni Hynna Marice Gonzales
PHOTO: Orlando Ramirez/USA TODAY Sports |
Kumana si Luke Kennard ng pitong puntos sa nalalabing 10 segundo, selyado ng isang four-point play sa huling possession, upang ibangon ang Los Angeles Clippers mula sa 35-point deficit kontra Washington Wizards, 116-115, nitong Miyerkules (PhST).
Mula sa isang broken play, pumasok ang contested triple ni Kennard sa mga huling pitik ng oras, na saktong sumabit kay Wizards guard Bradley Beal para sa foul at gumimbal sa 13,544 manonood ng Capital One Arena, Washington DC.
Naging mailap ang tadhana sa Clippers matapos ang matalinong pagsuyod ng Washington sa unang dalawang quarter ng laro, 71-36.
Subalit nagsanib-pwersa sina Terrence Mann at Isaich Hartenst sa third quarter para sindihan ang 80-point second half ng Clippers at sunugin ang lamang ng Wizards.
Sa kamalas-malasan, napituhan ng five-second violation si Beal sa huling segundo na nagbigay-daan sa game-tying triple ni Kennard, 115-115, bago niya tapusin ang laban sa charity stripe.
"I was very confident, and [it] gave me a little bit of space and I was just lucky enough to knock them down and my teammates were able to find me," ani Kennard sa kanyang post-win interview.
Kinilala rin ang husay ni Amir Coffey nang magtamo ng career-high 29 points at magdala sa third-quarter rally ng Los Angeles.
"I'm proud of him and he's probably one of the biggest reason why we were able to comeback tonight," masayang pagbabahagi ni Kennard kay Amir sa kaniyang interview.
Namayani para sa Wizards si Beal na may 23 puntos, kasama si Kyle Kuzma na umiskor ng 19 puntos at 12 rebounds.
Itinuturing ng marami na "one of the largest comeback in NBA history" ang panalo ng Clippers sa loob ng single-season sa kasaysayan ng NBA.
Tip Ins:
Pinangunahan ni 2021 MVP runner-up Joel Embiid ang Philadelphia 76ers matapos magtamo ng 42 points para mapasakamay ang panalo kontra New Orleans Pelicans, 117-107.
Nagpamalas din si Nikola Jokic ng Denver Nuggets ng 28 puntos, 21 rebounds at 9 assists, kasama si Monte Morris at ang kaniyang apat na sunod-sunod na free throws sa huling 11.05 segundo, para kalusin ang Detroit Pistons, 110-105.
Sa Toronto, bumida si Pascal Siakam gamit ang 24 puntos at 12 assists, kasama si Gary Trent Jr. na bumalasa ng 32 points upang tulungan ang Raptors na putulin ang hangarin ng Charlotte Hornets, 125-113.
Hindi rin pinayagang maghari ng Boston Celtics ang Sacramento Kings sa buong season nang dominahin nila ang laban, 128-75, sa pangunguna ni Jayson Tatum, 36 puntos, at Jaylen Brown, 30 puntos.