KUNG GUSTO, MAY PARAAN: ‘Sasali tayo kahit ayaw nila tayong pasalihin’ — Ka Leody sa Jessica Soho presidential interviews
Ni Kaela Patricia Gabriel
PHOTO: Kami PH |
Dahil hindi imbitado ang labor leader presidential aspirant na si Leodegario “Ka Leody” de Guzman sa nagdaang Jessica Soho presidential interviews, nagsagawa ng Facebook live nitong Enero 22 ang kanyang kampo upang sagutin din ang maaanghang na tanong sa nasabing programa.
Sa tulong ng Partido Lakas ng Masa (PLM), isang political party, nagkomento si De Guzman sa iilang mga isyung tinalakay sa parehong panayam na pinaunlakan ng apat sa limang leading presidential candidates base sa surveys: Senator Panfilo “Ping” Lacson, Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, Senator Emmanuel “Manny” Pacquiao, at Vice President Maria Leonor “Leni” Robredo. Ang panayam na ito ay tinanggihan naman ng isa pang kandidato na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Hinarap din ni De Guzman ang ilan sa mga kontrobersiyang ibinabato sa kanya nitong mga nakaraang buwan tulad ng kanyang ‘magarbong’ pagdiriwang ng Pasko kasama ang kanyang pamilya kung saan kanyang nilinaw na bunga ng paghihirap ng kanyang buong pamilya ang kakayahang makapaghanda sa nasabing okasyon.
“Yung pamilya ko, lahat ‘yan mangagagwa… ang misis ko nagtatrabaho sa bangko, yung anak ko nasa call center… yung isa nasa barko naman crew ship… yung isa naman nasa parang call center din. Kasabay non, yung misis ko, may konting negosyo. Kung tinutukoy mo yung picture nung pasko, tradisyon talaga namin ang paghahanda eh. Yung aso namang corgi, regalo ‘yon sa aking bunso,” paliwanag ng kandidato.
Dagdag pa rito, muling nilinaw rin ni De Guzman na hindi rin niya ‘pinepersonal’ ang kababaihan sa kanyang nakaraang pahayag ukol sa mga babaeng naging pangulo ng Pilipinas at sinabing nataon lamang na ang mga ito ang may ginampanang mahalaga sa kasaysayan.
Sa Facebook live, ipinahayag din ni Ka Leody ang kanyang mga paninindigan sa ilang mga isyung kinahaharap ng bansa tulad ng LGBT Community, war on drugs, vote-buying, at karapatan ng mga manggagawa. Kanya ring sinagot ang ilang mga katanungang ibinato sa mga inimbitang kandidato at nagkomento rin sa mga naging sagot nito.
‘Ano ang sakit ng mga Pilipino o ng bansa at ano ang gamot dito?’: “‘Di ba ang problema ay kahirapan? ‘Di ba ang problema’y walang trabaho? At ang… ‘yon ang problemang kinakaharap ng taumbayan. At doon dapat maglapat ng solusyon, at ang problema- ang dahilan nyan, ay yung klase ng pulitikang mayro’n tayo. Yung pulitika na kontrolado ng mga mayayaman. At syempre, yung mga mayayaman, iba ang problema nila sa atin. Kung ano yung gusto natin, hindi nila gusto. Kung ano yung gusto nila, ayaw natin. Yun ang problema natin, kontrolado ng mga bilyonaryo, ng mga kapitalista yung ating pulitika at iba ang interes ng kapitalista kaysa manggagawa. ‘Yon ang problema… at ‘yon ang solusyon, baguhin ang sistema ng pulitika natin.”
Sa bahaging ito ng live, nagpakita rin ng ‘di pagsang-ayon si De Guzman sa naging kasagutan ng ilang kandidato sa panayam na tila sinisisi ang mga tao sa ‘sakit ng bansa’.
‘Anong naramdaman mo na hindi ka inimbita?’: “Expected ko eh… dahil sa klase ng media na meron tayo, talagang… ‘di naman… aminin natin na hindi naman talaga sila for service eh, talagang business din ang media kaya syempre, kung saan sila mapapanood ng mas marami. Pangalawa, sa tingin ko malaking problema rin ang mindset eh- mindset na kumbaga kung ano lang yung kalakaran, eh ganoon na lang. Kung ang kalakaran ay kung sinong sikat, ‘yon ang iimbitahan. ‘Di katulad ng… dapat ‘di ba ang media, nagsusulong din ng pagbabago, ‘yon ang kanilang interes eh. Ngayon first time na may kandidato na mula sa mga manggagawa, bakit hindi sila excited?”
Sa kabilang dako, inimbitahan naman ng istasyon ng radyo na DZRH si Ka Leody para sa one-on-one interview na kanya namang pinaunlakan. Nakatakda ang kanyang panayam sa ika-26 ng Enero.
Samantala, kinastigo naman ng vice presidential running mate ni De Guzman na si Walden Bello ang GMA news dahil sa hindi nito pagsama kay De Guzman sa Jessica Soho presidential interviews.
Ayon kay Bello, maituturing itong “circular logic based on class bias” at ang dahilan kung bakit hindi kataasan ang survey ratings ni De Guzman ay dahil sa kakulangan nito ng exposure sa media.
Ka Leody sa ‘unified opposition’: “Tingin ko naman nag-try siyang [Leni Robredo] i-unify ang opposition, pero yung opposition kay Duterte- hindi sa mga batas na nagpapahirap sa opposition ng mamamayan- ang opposition, hindi lamang dapat sa kung sino ang papalit sa pwesto, kundi laban sa mga batas na nagpapahirap sa masa.”
Ka Leody para sa patas na eleksyon
Natanong din si De Guzman ukol sa kanyang mga solusyon sa nagaganap na lamangan sa eleksyon sa pamamagitan ng pera at kanyang inilatag ang ilang mga alternatibo upang mas maging patas ang laban sa pamamagitan ng pag-utilize sa mga malalaking media networks ng bansa pagdating sa pagpapakilala ng mga kandidato.
Aniya, sa ganitong paraan, mababawasan ang ‘pera-pera’ na sistema ng eleksyon at mabibigyan ng pagkakataon ang mga kandidatong walang makinarya. Isinusulong din niya na mga kolehiyong mag-aaral ang kuning watchers tuwing botohan.
Ka Leody para sa LGBT
Sa usaping same-sex union, idiniin ni De Guzman ang kanyang suporta para sa Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender (LGBT) Community.
“Pala-palagi naman… kahit noong tumakbo akong senador, ang ating suporta para kilalanin ang ating LGBTQ ay tuloy-tuloy… kasama ako sa laban nila na dapat hindi sila i-discriminate,” ani De Guzman.
Dagdag pa niya, ang suporta sa nasabing komunidad ay hindi lang dapat pinahahayag tuwing eleksyon.