‘Mystery passengers’ sagot sa pagpapaigting ng public transport ban sa mga unvaxxed
Ni Lynxter Gybriel L. Leaño
Bilang paghihigpit sa pagpapatupad ng public transport ban kontra sa mga Pilipinong hindi pa bakunado, ibinunyag ng Department of Transportation (DOTr) ang pagtatalaga ng mga “mystery passengers” na magsisilbing mata ng gobyerno sa loob ng mga pampublikong transportasyon.
PHOTO: Niño Jesus Orbeta/Inquirer |
Ayon kay Road Transport Assistant Secretary Mark Steven Pastor nitong Enero 14, isa sa mga pangunahing layunin ng mga mystery passenger ay ang pagsigurong tiyak na naipatutupad ang mismong ban.
“Bakit sila ay dapat ma-deploy? Upang masiguro natin na kahit walang naka-uniporme na enforcer ay sumusunod po ang drivers dito sa ating polisiya,” ani Pastor.
Dagdag pa niya, dito rin daw malalaman kung nasusunod nga ba ang mga polisiya kahit walang opisyal ng gobyerno na nagmamanman sa mga “public utility vehicles.”
Kaugnay nito, iginiit ni Pastor na hindi libre ang pagsakay ng mga mystery passenger ngunit bibigyan sila ng budget mula sa mga opisyales ng DOTr.
Nauna nang inanunsyo na simula sa Lunes, Enero 17, sisimulan nang ipatupad ang public transportation ban sa mga hindi bakunado kaya kailangang may maipakitang vaccination card ang mga pasahero upang makasakay.
Dahil dito, may reklamo ang ilang mga pasaherong hindi makapagbakuna dahil sa iniindang sakit at sagot ng DOTr, hindi sila saklaw sa naturang polisiya kasama na rin ang may mga pangangailangang “goods and services.”
Isinailalim naman ang buong Pilipinas sa Alert Level 2 dahil sa biglaang pagtaas ng kaso dulot ng “Omicron Variant” na kung saan Alert Level 3 ang Metro Manila.