Pagbura kay Obiena sa nat'l pool, inantala nang 2 linggo
Ni Diana Mae Salonoy
PHOTO: MSN |
Nagdesisyon ang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na iurong ang nakaambang pagbura kay Olympian Ernest John Obiena sa national athletes pool sa susunod na dalawang linggo.
Ito'y bilang tugon sa rekomendasyon ng Philippine Sports Commission (PSC) na bigyang-pagkakataon ang ace pole vaulter na kumpletuhin ang liquidation of funds at compensation nito kasama si Ukrainian coach Vitaly Petrov.
Matatandaang nagbaba ng kautusan ang PATAFA board na alisin sa lineup of national athletes si Obiena dahilan sa ‘di umano'y misappropriation of funds, na mariin namang itinanggi ng pole vaulter.
(BASAHIN ANG KAUGNAY NA ULAT: PATAFA drops Obiena from elite pool, POC declares expulsion ‘vengeful’ act)
Balak ding sampahan ng kasong estafa ang Tokyo Olympic finalist, na kamakailan lang ay inihayag bilang third-best pole vaulter sa buong mundo ayon sa World Athletics ranking.
"PATAFA strongly urges all the parties to submit to PSC Mediation and explain the matter of liquidation at the said forum," saad sa isang sulat ni PATAFA chairman Rufus Rodriguez mula sa GMA News.
Upang linawin, nagdulot ng magkakahalong reaksyon ang naging desisyon ng PATAFA mula sa iba't-ibang personalidad sa isports, dahilan upang mamagitan ang PSC.
"This decision is and has always been consistent with PATAFA's consent and willingness to submit to the PSC's offer for mediation," dagdag pa ni Rodriguez.
Bukod sa kondisyon sa panig ng PATAFA, hinimok ng PSC sa inilabas nitong listahan ang kampo ni Obiena na madaliin ang proseso ng liquidation of accounts upang patuloy umanong masuportahan ang atleta.
Nanawagan rin si PSC chief Butch Ramirez sa Philippine Olympic Committee (POC) na bawiin ang pagdeklara kay PATAFA chief Philip Juico bilang 'persona non-grata', at sa halip ay pagkaisahin si Obiena at ang PATAFA upang mapanatili ang kapayapaan sa elite sports at maisara na ang isyu "bilang mga sportsman."