Pagtatag ng Department of Migrant Workers, tututukan ang kalagayan ng OFWs
Ni Lynxter Gybriel L. Leaño
Iisang ahensya na lamang ang tatakbuhan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa oras na maitatag ang Department of Migrant Workers (DMW) na layong mapagtibay ang pagsisilbi ng gobyerno para sa mga OFW.
PHOTO: Jansen Romero/Manila Bulletin |
Ayon kay Atty. Hans Leo Cadacdac, administrador ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), hangarin ng ahensyang DMW na mabilis na matulungan ang lahat ng OFW lalo na ang mga nakararanas ng pagmamalupit at walang katarungang pagtrato sa kanilang pinagtatrabahuan.
“Ang maganda sa ahensyang ito ay mas coordinated sapagkat mapagtibay na ang mga welfare programs and services, iisa na lang ang pupuntahan o iisa lang ang malinaw na matatakbuhan ng mga OFW at kanilang pamilya, hindi na sila mag iisip kung sa DFA, DOLE, o OWWA,” sabi pa ni Atty. Cadacdac sa kanyang interbyu sa Laging Handa Press Briefing, Enero 6.
Dahil dito, magiging “attached agency” na lamang ang OWWA at “minor” na lamang na mga trabaho ang aatupagin sapagkat ang ahensyang DMW na ang mag-aasikaso sa lahat ng mga OFW.
Kaugnay nito, ipinahayag din ni Camarines Sur Representative Luis Raymund Villafuerte na sa pamamagitan ng pagtatag ng ahensiyang ito, matutunton ang lahat ng mga OFW sa iba’t ibang bansa sapagkat mayroon nang “information system” na magiging “database” ng OFWs.
"Government must make a much better effort in providing assistance and protection to OFWs, from recruitment to overseas employment, more so now with (the) upward trend in remittances as economies hiring migrant workers have started to recover from Covid-19 and are rehiring again," giit ni Villaufuerte.
Dagdag pa ng mambabatas na dahil sa “remittances” ng OFW, natulungan nito ang ekonomiya ng Pilipinas na hindi bumaba kahit pa ay nasa kalagitnaan ng pandemya.
“We owe it to our over 10 million modern-day Filipino heroes, who have helped keep our economy afloat amid all external and domestic challenges, to have a line Department in charge of protecting and advancing their interests, in keeping with the commitment to them of President Duterte,” ani pa niya.
Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas sa pagpapatatag ng DMW bago pa man matapos ang taong 2021.
Inaasahang mabibigyan nito ng benepisyo ang 2.2 milyong OFWs base sa 2019 Survey on Overseas Filipinos ng Philippine Statistics Authority (PSA).